Advertisers

Advertisers

Mga lider ng Lanao del Norte nagkaisa sa pagsuporta sa pagbabalik-Senado ni Pacquiao

0 11

Advertisers

Baloi, Lanao Del Norte—Nagpahayag ng suporta ang mga pangunahing lider ng lalawigan ng Lanao del Norte sa kandidatura at pagbabalik-Senado ni Manny Pacquiao ngayong Martes.

Sa proclamation rally nina Gobernador Imelda “Angging” Dimaporo, Tagapangulo ng Partido Federal ng Pilipinas na si Gobernador Reynaldo Tamayo, Bise Gobernador Allan Lim at Kinatawan Khalid Dimaporo ay sama-samang inenendorso si Pacquiao at binibigyang-diin ang kanyang dedikasyon sa pagpapaunlad ng kanayunan, libreng pabahay para sa mga mahihirap, at pagpapalakas ng mga programa sa sports at kabataan, partikular sa Mindanao.



Bilang tubong-General Santos City sa Mindanao, patuloy na binibigyang-diin ni Pacquiao ang pangangailangan para sa pagpapaunlad ng imprastruktura sa rehiyon.

Sa kanyang mensahe sa proclamation rally sa Baloi, Lanao Del Norte, iniuugnay ni Pacquiao ang patuloy na kaguluhan kaya nagiging mabagal sa pag-unlad ang Mindanao.

“Hindi po dapat maiwan ang Mindanao lalo na ang Lanao Del Norte dahil ito ang paraan para solusyunan ang mga kaguluhan. Ang dapat nating gawin ay ituloy ang infrastructure development hanggang sa mga liblib na lugar para umunlad ang Mindanao,”ani Pacquiao.

Bilang bahagi ng kanyang adbokasiya para sa mga mahihirap, nangako si Pacquiao na isusulong niya sa Senado ang libreng pabahay para sa mga mahihirap at mga biktima ng kalamidad at trahedya.

Naniniwala si Pacquiao na bawat pamilyang Pilipino ay dapat magkaroon ng sariling tahanan.



Binibigyang-diin niya na ang paglaban sa korapsyon ay importante upang pondohan ang inisyatiba. Ayon kay Pacquiao, ang pagpigil sa korapsyon ay makakatipid ng malaking halaga sa gobyerno taun-taon, na maaaring ilaan sa mga proyektong pabahay at suporta sa kabuhayan.

Ang pag-endorso ng pamilya Dimaporo ay nagpapakita ng kanilang parehong pananaw para sa pag-unlad ng Lanao del Norte at ng buong Mindanao.

Inaasahang palalakasin ng suporta ang kampanya ni Pacquiao, lalo na sa mga rehiyong naaayon ang kanyang mga adbokasiya.

Kasama sa rekord ng lehislatura ni Pacquiao ang pagiging may-akda at co-sponsor ng mga panukalang batas na naglalayong paunlarin ang sports at labanan ang kahirapan.

Ang kanyang pagsama sa senatorial slate ng administrasyon ay higit pang nagpapatibay sa kanyang posisyon at mga layuning pampulitika.

Naniniwala si Pacquiao na ang alyansa at suporta ng mga pangunahing lider-pampulitika sa Mindanao ay nagpapakita ng isang sama-samang pagsisikap na tugunan ang matagal nang mga isyu sa rehiyon sa pamamagitan ng mga inisyatibang lehislatibo at pangkomunidad.