Advertisers
“Si Senator (Christopher) Bong Go ay isang taong may isang salita. Kaya sa kapangyarihan ng mga mamamayan ng Capiz, buong puso ko siyang ipino-proklama bilang adopted son ng aming lalawigan,” deklara ni Governor Fredenil Castro sa Capiztahan Festival noong Linggo, Abril 6.
Isinagawa ang proklamasyon matapos lumahok si Senator Go sa isang motorcade sa buong Roxas City. Ito ay simboliko ng pasasalamat sa patuloy na presensya at walang patid na paglilingkod ni Go sa mamamayan ng Capiz.
“Unang-una, huwag po kayong magpasalamat sa akin. Ako po ay dapat magpasalamat sa inyo sa pagkakataong binigay niyo po sa akin,” ang tugon ni Go. “Patuloy po ako magseserbisyo sa inyo dito sa Capiz sa abot ng aking makakaya.”
Sa motorcade, kasama ni Senador Go ang kapwa senatorial aspirant na si Phillip Salvador, at muli niyang pinagtibay ang kanyang pangako sa grassroots development.
Bumisita si Go sa lalawigan, kasabay ng Capiztahan Festival, isang masiglang pagdiriwang na nagpapakita ng mayamang kultura, kasaysayan, at seafood delight ng Capiz—ang Seafood Capital of the Philippines.
Nagtipun-tipon ang mga lokal sa daanan ng motorcade at marami ang nag-aalok ng delicacy sa senador, na nagpaunlak naman upang tikman ang kanyang mga paborito—kabilang ang balut at halo-halo na binili niya sa mga street vendor.
Hinikayat ni Go ang mga Pilipino na suportahan ang maliliit na negosyo para mapalago ang lokal na ekonomiya.
Bilang tagapangulo ng Senate committee on health, nangako ang senador patuloy na pagbubutihin ang pag-access sa mga serbisyong medikal, lalo sa mga nasa komunidad na kulang sa serbisyo.
“Gusto ko pong mas mailapit pa ang mga serbisyong medikal sa tao—hindi po dapat kailanganin pang bumiyahe nang malayo o mangutang para makapaggamot,” idiin ng senador.
Binigyang-diin niya ang patuloy na operasyon ng Malasakit Centers, mga one-stop shop para sa tulong-medikal sa mga mahihirap na pasyente.
Pangunahin niyang iniakda at itinaguyod sa ilalim ng Republic Act No. 11463, sa ngayon ay may 167 centers ang operational sa buong bansa.
Sinabi ni Go na mahalaga ang pagpapalakas ng imprastraktura sa kalusugan, lalo sa mga probinsya, upang matiyak na ang mga Pilipino—partikular ang mahihirap at nasa malalayong lugar—ay magkaroon ng access sa de-kalidad na serbisyong medikal.
“Isa po sa mga pangunahing adbokasiya ko ay ang pagtutok sa kalusugan ng bawat Pilipino. Bilang inyong senador, sisiguraduhin kong may sapat na kagamitan at maayos na serbisyo,” ani Go.