Advertisers
IBINASURA na ang mga kaso laban sa 17 Pinoy na inaresto sa Qatar dahil sa paglahok sa isang ilegal na pampublikong demonstrasyon.
Ayon kay Palace Press Officer at Presidential Communications Undersecretary Claire Castro, nakipagpulong si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. kay Qatari Ambassador to the Philippines Ahmed Saad Nasser Abdullah Al-Homidi sa Malacañang nitong Lunes ng umaga.
Ipinaalam ng Qatari envoy kay Marcos na ang mga kaso laban sa mga Pilipino ay na-dismiss na, ani Castro.
“Ayon kay Ambassador Al-Homidi, ito raw ay repleksyon ng maganda at matatag na pagkakaibigan ng dalawang bansa (According to Ambassador Al-Homidi, this is a reflection of the good and strong friendship between the Philippines and Qatar),” sinabi ni Castro sa isang press briefing sa Malakanyang.
Matatandaang inaresto ang 17 overseas Filipino workers (OFWs), 12 lalaki at limang babae, matapos sumali sa isang rally para ipakita ang suporta kay dating pangulong Rodrigo Duterte, na kasalukuyang nakakulong sa pasilidad ng International Criminal Court (ICC) sa The Hague, Netherlands, dahil sa mga alegasyon ng paglabag sa karapatang pantao kaugnay ng kanyang war on drugs.
Hindi pababayaan ng gobyerno ang mga nakakulong na pro-Duterte OFW sa Qatar.
Noong nakaraang linggo, una nang iniulat ni Department of Migrant Worker (DMW) Secretary Hans Leo Cacdac na nabigyan ng Qatari authorities ng provisional release ang mga OFW.
Ang pagkilos ng DMW ay alinsunod na rin sa utos sa kanila ni Pangulong Marcos na tulungang makalaya ang mga OFW. (Vanz Fernandez)