Advertisers
TAMA lang na ibasura ng Sandiganbayan ang apela ni Senator Jinggoy Estrada na burahin na ang kanyang P200 million na kaso sa pork barrel.
Oo! ibinasura ng graft court ang hirit ni Jinggoy na pawalangsala na siya sa kinakaharap na pork barrel fund scam na nangyari panahon pa ni yumaong pangulo Noynoy Aquino.
Matatandaan na kabilang si Jinggoy sa mga politiko na nakasuhan, nakulong sa naturang scam na kinasasangkutan ng scammer na kontraktor na si Janet Napoles, matapos ibunyag ng dating chief of staff ng huli ang mga anomalya sa release ng naturang pondo ng publiko.
Ang ilan pang politiko na nasangkot dito ay sina Senador Bong Revilla at kasalukuyang legal chief ni Pangulo Bongbong Marcos, Jr. na si ex-Senate president Juan Ponce Enrile.
Si Revilla, sa mahirap ipaliwanag na rason, ay napawalang sala pero ipinababalik sa kanya ang P125 million na ibinulsa raw nito, sabi ng Sandiganbayan. Samantalang ang kanyang chief of staff ay ‘guilty’ pero namatay sa kulungan dahil siguro sa matinding stress. Mantakin mo naman kasi, ang chief of staff ‘guilty’ pero ang boss napawalang-sala? Eh hindi naman kikilos ang staff kung walang bendisyon ng boss, ‘di ba? Ang hirap ngang spilingin ng desisyong ito ng graft court eh. Ewan!!!
At si Enrile naman ay napawalang-sala rin, pero ang kanyang chief of staff ay ‘guilty’ at kasalukuyang pansamantalang nakalalaya dahil sa piyansa. 100 years na si Enrile, kahit siguro mabura na siya sa mundo ay hindi makalimutan ng publiko ang kaso niyang ito. It’s history ika nga.
Dito ay muling napatunayan na ang batas sa Pilipinas ay butas-butas. Ang hustisya ay para lamang sa may impluwensya at ang walang koneksyon ay nabubulok sa kulungan. Animal!
***
39 days nalang eleksyon na! Pipili uli tayo ng mga lider sa ating bayan, lungsod at lalawigan para sa tatlong taon na termino.
Maghahalal din tayo ng 12 senador para sa anim na taon na termino.
Ang pinakamakapangyarihan sa panahong ito ay ang mamamayan, ang boss!!! Dahil ito ang maglalagay sa kandidato sa puwesto. Nasa mga kamay ng botante nakasalalay ang pagpuwesto ng matitinong kandidato o politiko. Kung makapuwesto man ang isang inutil at abusadong politiko, walang ibang sisisihin kundi ang mga naghalal sa kanya. Mismo!
Kaya mayroong eleksyon ay para makapili tayo ng tamang tao na mamumuno sa atin tungo sa maayos na pamayanan at pamumuhay. Kaya huwag natin sayangin ang pagkakataon sa Mayo 12. Pumili o maghalal tayo ng tamang tao, opisyal na may puso para sa lahat at may vision para sa pag-unlad.
Bayan, batid nating bumabaha ang pera, vote buying sa eleksyon. Ang kandidatong gumagastos ng milyones ay hindi magiging matinong lider. Oo! Dahil kapag nakapuwesto ang taong ito, walang ibang iisipin ito pagkaupo kundi ang gumawa ng kuwarta, ang bawiin ang kanyang napakalaking nagastos sa eleksyon.
Samantalang ang kandidatong hindi namimili ng boto, naglalatag ng kanyang mga planong programa sa harap ng publiko, kapag nahalal ay asahang ito’y talagang magtatrabaho para sa kanyang constituents, susuklian ang kapangyarihang ipinagkaloob sa kanya. Kaya mga suki, bayan, sa Mayo 12, nagboto ng tama. God bless sa ating lahat!!!