Advertisers
Muling umapela si Senator Christopher “Bong” Go para sa agarang pagsertipika sa panukalang dagdag-sahod na inaprubahan na ng Senado sa ikatlo at huling pagbasa noong nakaraang taon.
Nababahala si Go na ang pagkaantala—lalo ang hindi pa rin pagsertipika ng Palasyo sa panukalang batas bilang “urgent”—ay makahahadlang sa progreso ng matagal nang ginagawang pagsisikap na matulungan ang mga manggagawang Pilipino.
Habang natupad na ng Senado ang bahagi nito, binigyang-diin ni Go na ang panukala ay naghihintay na lamang ng aksyon ng House of Representatives at Executive branch.
Magalang niyang hinikayat si Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na isaalang-alang ang pagsertipika sa panukalang batas bilang “urgent” habang umaasa na ang Kamara ay kikilos sa counterpart version nito. Binanggit niya na ang pinal na pag-apruba sa panukala ng ika-19 Kongreso ay para maiwasan na bumalik sa umpisa ang proseso sa susunod na lehislatura
“Nagawa na ng Senado ang bahagi nito. Nasa House na ngayon ang pagkakataong kumilos. Umaasa ako na maipapasa natin ito sa tamang panahon dahil nakasalalay dito ang kapakanan ng maraming manggagawang Pilipino,” ani Senator Go.
Binigyang-diin ni Go na ang pag-reconcile sa Senate Bill No. 2534 na humihingi ng P100 arawang minimum wage increase sa panukalang dagdag na P200 na itinulak sa Kamara ay isa na ngayong usapin ng “political will”.
“Kung hindi ito mabibigyang-prayoridad, may posibilidad na maramdaman ng ating mga manggagawa na tila naisantabi ang kanilang panawagan,” idiniin ni Go.
Ayon sa pinakahuling survey ng Social Weather Stations, 27.2% ng pamilyang Pilipino ang nakaranas ng involkuntary hunger sa nakalipas na tatlong buwan— ang pinakamataas antas mula noong pandemya ng COVID-19 noong 2020.
Noong Enero 2025, 2.16 milyong Pilipino ang nananatiling walang trabaho, nangangahulugan ng 4.3% unemployment rate. Ang inflation na pansamantalang bumaba sa 2.1% noong Pebrero, ay inaasahang tataas muli, gaya ng babala ng Bangko Sentral ng Pilipinas dahil sa domestic at global pressures.
“Kung dati ang tanong lang ay magkano ang sweldo, ngayon tanong ng karamihan ay kung may kakainin pa ba bukas. Hindi ‘yan dapat pangkaraniwang tanong sa isang bansa na mayaman sa likas na yaman at masisipag na mamamayan,” ang sabi ni Go.
Kaya naman maigting ang panawagan ng mga grupong manggagawa, partikular ang Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) sa Pangulo na agad isertipika ang panukalang dagdag-sahod ng mga manggagawa.
Nanawagan para sa pambansang pagkakaisa para sa pagtaas ng sahod, binigyang-diin ng grupo na “ang kailangan ng taumbayan ay dalawang daan, hindi bangayan”. Nagbabala ito na ang away sa pulitika ay lalong nagbabaon sa hirap sa mga ordinaryong manggagawa.
Malawak na kinikilala sa kanyang pagsisikap na palakasin ang sektor ng kalusugan sa bansa, idiniin ni Go na ang kapakanan ng mga manggagawang Pilipino ay malalim na nakatali sa pangkalahatang kalusugan at pag-unlad ng bansa.