Advertisers
INARESTO ng mga operatiba ng Bureau of Immigration (BI) ang isang Russian vlogger na nag-viral sa social media dahil sa pangha- harass ng mga Pinoy sa Bonifacio Global City (BGC).
Iniulat ni BI intelligence division chief Fortunato Manahan, Jr.ang pagkakaaresto kay Vitaly Zdorovetskiy, 33, matapos itong ituring bilang isang ‘undesirable foreign national’ kasunod ng kanyang mga viral social media posts.
Ani BI spokesperson Dana Sandoval, habang ang mga Filipino ay bantog sa kanilang pagiging hospitable sa mga dayuhang bisita, inaasahan din naman na igagalang ng mga dayuhan ang lokal na kaugalian at batas ng bansa na binibisita nila.
“The Philippines welcomes visitors from all over the world, but those who abuse our hospitality and violate our laws will be held accountable,” saad ni Sandoval, kasabay ng pahayag na: “Harassment and disruptive behavior have no place in our society, and we will take swift action against offenders.”
Nagalit ang mga netizens kay Vitaly matapos na mag-viral ang mga pinost niyang video kung saan makikita ang pangha-harass niya sa mga Filipino habang kumukuha ng video sa BGC.
Ginawa ang pag-aresto sa pakikipagtulungan ng PNP Makati at ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG).
Nabatid na isang security guard na naka-assign sa BGC ang nagpa-blotter sa Philippine National Police (PNP) Southern Police District dahil sa harassment na ginagawa ng dayuhan. Agad namang nakipagtulungan ang CIDG sa mga operatiba ng BI intelligence na agad na umaresto sa dayuhan alinsunod sa mission order na ipinalabas ng BI.
SI Vitaly ay inilipat sa detention facility ng BI sa loob ng Camp Bagong Diwa sa Bicutan, Taguig, habang hinihintay ang deportation nito. (JERRY S. TAN/JOJO SADIWA)