Advertisers
PABOR ang Malakanyang na mapanagot na ang mga gumagawa at nagpapakalat ng mga maling impormasyon.
Sinabi ni Executive Secretary Lucas Bersamin, masyadong nakakasira at nakakabahala ang mga nagsusulputang maling impormasyon sa social media platforms.
Sabi niya hindi lamang sa Pilipinas kundi ang buong mundo ang apektado ng fake news.
“It’s not only the Philippines. It’s the entire world that is suffering the brunt of the deceit that is derived from fake news. Napaka saklap. Dapat talaga maprosecute iyan,” sabi ni Bersamin.
Nauna rito, nagpasaklolo na ang National Bureau of Investigation (NBI) sa International Criminal Police Organization o Interpol para hulihin ang mga taong nagpapakalat ng fake news.
Ayon kay NBI Director Jaime Santiago na kahit ang mga Pinoy na naninirahan sa ibang bansa na pinagmumulan ng pekeng balita ay dapat managot sa tulong ng Interpol.
Magugunitang bukod sa NBI, sinabi na rin ng Department of Justice (DOJ) ang planong magpatupad ng mas malalim na imbestigasyon upang malaman at mahuli ang mastermind sa likod ng mga pagpapakalat ng fake news.
Pahayag pa ni Bersamin na hahayaan ng Malakanyang ang NBI na gumawa ng kaukulang aksyon laban sa mga nagpapakalat ng fake news.
Samantala, pinaigting naman ng Presidential Communications Office (PCO) ang kampanya nito laban sa fake news, naaayon ito sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.