Advertisers
EWAN ko, baka maagang nagka-amnesya o sinasadyang makalimutin itong umuupak kay former Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso.
Wala raw napuntahan ang bilyones pesos na inutang ni Isko nung pandemic months — na alam na alam nila, ginastos para ipamigay na food packs at iba pa para sa daan-daan libong pamilya ng Batang Maynila.
Mali daw yun, at nagpapahiwatig pa na may nangyari raw anomalya, ay, kung makapagbintang, parang wala silang alam sa kabutihang naidulot niyon — na nagligtas sa kagutuman ng maraming mahihirap na pamilyang Pilipino.
Teka, e sino ba ang vice mayor nun nang okeyan, payagan si Isko na umutang ng perang pandugtong buhay noong pandemya na mahina ang negosyo, marami ay walang trabaho, marami ay nagkakasakit at marami ang nasa bingit ng kamatayan, at may mga namatay pa nga?
Vice Mayor noon si Honey Lacuna na mayor ngayon; at si Sam Verzosa, di ba tumulong pa siya para mag-distribute ng food package at nag-donasyon pa ng pagkain sa Manilenyo?
At ang nagsasabing mali yun pag-utang upang idugtong sa buhay ng nagugutom na Manilenyo, hoy, hey, di ba kasama pa kayo sa nagkandarapa sa pagkuha ng mga food packages.
Kung mali si Yorme Isko, bakit inokeyan nyo, Mayora Honey ang ordinansa na nagbibigay authority kay Yorme na umutang ng pambili ng pagkain at mga gamot kontra-COVID-19.
Mali ba talaga, e nagligtas iyon sa kagutuman, nagligtas sa kamatayan ng mga botanteng sinusuyo nyo ngayon na iboto kayo, Mayora na kasuklaman si Isko, at kayo ang iboto?
Kung mali, baluktot, kayo, Mayora ang unang dapat na kasuklaman, kasi kayo at ang mga kasama mo ang nag-apruba ng ordinansa — na ngayon ay isinisisi nyo kay Yorme.
Kung mali, para kay Kois, handa siyang tanggapin ang mali, pero ang siya lamang ang pagbuntunan ng sisi, e anong ugali meron ang mga kalaban niya, ha, Sam Volero…. magaling lang iyon kung papabor sa iyo; iwas pusoy ka naman, Mayora kung tatagilid ang bangka na ikaw ay isa sa nagtulak niyon sa tubig?
Ugaling traydor yan; ugaling sukab, ugaling palakabig, ugaling pabida pero ang totoo, lantay na kontrabida.
***
Sa plataporma at nagawa na tayo magbida-bida, mga kulelat sa voter preference ng Manilenyo.
Ay, kaya pala paninira lamang ang kaya nyo, wala kasi kayong maipresenta na magandang accomplishment.
Sa argumento, pag walang facts, ebidensiya, ano ang ibibira, pagsisinungaling, pagbibintang at atake personal.
Argumentum ad hominem; argumentum misericordiam.
E, si Yorme Isko, argumentum na may kasamang akomplismentum, hehehehe.
Kaya nyo ba itong nagawa niya at gagawin ulit.
Matapang na liderato sa panahon ng pandemya: agad na pagbili ng mga gamot, pagsasamoderno ng mga ospital, COVID Field Hospital at pagbili at pagtatayo ng mga laboratoryo para sa mabilis na pagtukoy sa mga sakit na nagpagaling sa maraming Manilenyo at maging ng hindi Manilenyo.
Mantakin na dating iskwater sa Tundo, Binondo at sa iba pang dugyot na pook ng Maynila, e ngayon, nakatira sa de elevator na condo na may amenities pang de aircon, palaruan at iba pang pambigay comportableng buhay.
Ang bantot na ngayon ng Maynila sa nagtambak na basura, tapos may utang pa sa garbage contractor, ano iyon kungdi ebidensiya ng anomalya?
Balik sa buhol-buhol na trapiko; masaya ang mga kotongero sa kalsada at bangketa, at ang karaingan ng mahihirap, ang nakikinig lamang ay ang binging pader ng cityhall.
Naghahari ang mga pasaway sa kalye sa gabi, ay wag magtiwala pagkat kahit sa liwanag ng araw, may biglang mang-aagaw ng bag, celphone, pitaka at nagpapasapanganib sa buhay ng masisipag na mamamayan.
Yung negosyo sa Binondo, sa mga palengke, sa Divisoria, ayun, nagbalik sa dating magulong buhay: paano, parang natutulog sa pansitan ang mga tagabantay.
Kungdi wala, delay ang benepisyo sa mga seniors, solo parents, PWDs at ang maliliit na sektor, nakalimutan nang bigyan ng kalinga.
Yan ang ilan sa mga karaingang kailangang dinggin, marapat na masolusyonan, at paano iyon magagawa ni Isko kung siya ay karaniwang mamamayan ng Tundo.
Kaya ayaw mang bumalik sa cityhall at sana ay target na maupo sa Senado, hindi makatiis, hindi magawang di makinig sa hiling ng Batang Manilenyo, at ang sigaw: Bumalik ka na po, Isko; Yorme, kailangan namin ang tulong mo.
Nakinig si Yorme, nakita na kailangan nga siyang magbalik, pero sa isang kondisyon: iyon ay ang suportahan siya, di siya makababalik nang mag-isa lamang, may katropa siya, si Chi-Chi Atienza bilang vice mayor niya, at ang mga konsehal at kongresman ng Yorme’s Choice.
Nang magpasiya ngang magbalik sa cityhall, ang akusa, traydor daw, walang isang salita, walang palabra de honor, hmmmm teka.
Pag ang usapan ay kagalingang bayan, pagmamahal, hindi kataksilan ang muling mag-alay ng totoong paglilingkod-bayan.
Yung mga nagkait ng totoong tulong at ang kapabayaan sa mamamayan, iyon ang kataksilan.
At ito ang alam ng Batang Manilenyo: Kailangan na nila uli si Isko, mas bagay siya sa cityhall, hindi sa Senado.
At ang suportang hiniling ni Isko at ni Chi-Chi, eto na, dumarami pa lalo, ang dami nang kumakalas mula sa kabila, pagkat alam nila si Yorme Isko na nga ang susunod na mayor ng Maynila.
Hindi nagkakamali ang pulso ng bayan, mula pa noong 2024 hanggang ngayong Abril, si Yorme pa rin ang nangingibabaw sa lahat ng political survey ng SWS, OCTA, Pulse Asia at maging ang pansariling survey ng dalawang kalaban, luhaan sila na kailangang tanggapin.
Kay Mayora, the End is Near; kay Sam, better luck next time.
Suportahan na lang nila si Yorme Isko matapos ang eleksiyon, iyon ay kung totoo na mahal, love at may malasakit sila sa Batang Manila.
Samahan na lang nila si Yorme sa paglilinis; suportahan na lamang nila sa pagpapatino ng takbo sa cityhall, at sa pagbabalik ng kapanatagan sa lungsod.
Kung tatanggi sila, hehehe, wala nang next time pa sa kanila, pagkat matalino ang Batang Maynila.
Kay Yorme ang puso, diwa at espiritu nila kay Iskong basurero!
***
Kasama si Vice Mayor Chi Atienza, uumpisahan nilang ibalik ang disiplina at matinong pamamahala, at ang ibalik ang serbisyong matino, at ang bukas sa publikong pamamahala.
Babalik na uli kasi ang good governance, titibay na uli ang transparency and accountability.
Kay Isko kasi, at kay Vice Mayor Chi-Chi, panatag sila na matatamo uli ang kapanatagan ng buhay at kabuhayan ng Manilenyo!
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe sa bampurisima@yahoo.com.