Advertisers
TINGNAN ninyo ito… isang kilalang “drug lord” ang kumakandidatong mayor ngayon sa Albuera, Leyte. Siya si “Kerwin” Espinosa.
Si Kerwin ay anak ng pinatay na mayor ng Albuera na si Rolando Espinosa na tinawag ding “drug lord” ni ex-President Rody Duterte, at isa sa mga nagdiin kay dating Senador Liela De Lima sa gawa-gawang drug case para makulong ang huli ng higit anim na taon.
Si Rolando ay isa rin sa mga pinapatay mismo sa loob ng kulungan sa pekeng “drug war” ng Duterte administration.
Pero si Kerwin, na nakulong ng ilang taon matapos maaresto sa ibang bansa, ay napawalang-sala ng korte sa bansa kahit na inamin niyang isa siyang drug lord. Napatunayan kasi sa korte na walang sapat na ebidensiya para madiin siya sa kaso, at napilitan lang daw siyang aminin sa imbestigasyon ng Kongreso dahil ginipit siya ni noo’y PNP Chief at ngayo’y reeectionist Senator Ronald “Bato” Dela Rosa.
Nang patapos na ang termino ni Duterte, binawi ni Kerwin ang kanyang testimonya laban kay De Lima, rason para mapawalang-sala ang dating senadora.
At sa pagbaliktad ng panahon, si Bato naman ngayon ang nagtatago dahil sa banta ng arrest warrant mula sa International Criminal Court (ICC) kungsaan ay co-accused siya ng kanyang boss na si Digong Duterte na nakakulong ngayon sa ICC sa kasong ‘Crimes Against Humanity’.
Balikan natin si Kerwin, bagama’t napawalang-sala siya ng korte sa drug cases, may bahid parin siya ng selda. Oo! Dati siyang nakulong sa Bilibid, kungsaan ikinuwento niya noon sa congressional inquiries na doon niya nakilala sa kulungan ang mga drug lord kaya siya nagkaroon ng koneksyon sa droga. Pero napawalang-sala nga siya sa drug cases na ito kaya siya nakalaya at ngayo’y kandidatong mayor sa kanilang bayan.
Wala naman akong pakialam sa kanyang pagtakbo dahil hindi naman ako taga-Leyte. Pero bilang isang mamamahayag ay responsibilidad kong bigyan ng tamang impormasyon ang mga mamamayan. Dahil hindi maganda na mayroong isang punong bayan o politiko na may bahid ng selda at nagkaroon ng kaso sa bawal na droga. Mismo!
Well, nasa mga kamay na ito ng mga mamamayan ng Albuera kung maghahalal sila ng tulad ni Kerwin Espinosa.
At ito rin ang ipinaaalala ko sa lahat: Maghalal ng matitinong kandidato, may talino at higit sa lahat ay walang bahid ng anumang kasong kriminal lalo ilegal na droga. Maging matalino sa pagboto para sa progreso at peace and order ng inyong lugar. Gamitin natin ang ating kapangyarihan sa Mayo 12, magboto ng tama!!!
***
May ruling ang Korte Suprema: Puedeng sumama ang barangay officials sa kampanya ng kanilang sinusuportahang kandidato ‘pag tapos na ang duty nito, pero hindi puwede gamitin ang resources o mga kagamitan ng barangay.
Sa ruling na ito ng kataas-taasang hukuman, harap-harapan na nating makikita kung sino-sino ang mga dalang kandidato ng bawat barangay official. Tiyak away ito. Hehehe… At siguradong pagdating ng barangay election, mas gulo ang idudulot ng SC ruling na ito. Peks man!!!
Basta’t ang payo ko sa mga botante, magboto ng tama. Tandaan: Ang mga kandidato na namimili ng boto kapag nakapuwesto ay tiyak na walang proreso ang lugar ninyo dahil ang unang gagawin dyan ng politiko ay bawiin ang milyones na ginastos sa eleksyon. Peksman!
Again, magboto ng tama sa Mayo 12.