Advertisers

Advertisers

Liga ng mga Barangay sa Pilipinas, bitbit si Abalos

0 9

Advertisers

Opisyal nang inendorso ng Liga ng mga Barangay sa Pilipinas (LNB) ang kandidatura ni dating DILG Secretary Atty. Benhur Abalos Jr. para sa pagkasenador.

Sa isinagawang national convention ng LNB nitong Martes sa World Trade Center sa Lungsod ng Pasay, binigyang-diin ng LNB national president na si Jessica Gallegos Dy ang mahalagang papel na ginampanan ni Abalos noong siya ay nanungkulan bilang Kalihim ng DILG, lalo na ang kanyang pagkilala sa barangay bilang pinakamaliit ngunit napakahalagang yunit ng lokal na pamahalaan.

“Nu’ng kayo po ay Secretary ng Department of Interior and Local Government, binigyan n’yo po ng importansya at halaga ang barangay. Ni-recognize n’yo ang mga sakripisyo at mga kontribusyon ng ating barangay officials,” ani Dy.



“Ngayon na kailangan ninyo po kami. Andito po ang Liga ng mga Barangay para sumuporta sa inyo. Andito lang po kami sa likod ninyo,” dagdag pa niya.

Nagpasalamat si Abalos sa mainit na suporta ng Liga. Nagpasalamat din siya sa lahat ng mga barangay leader sa buong bansa sa kanilang patuloy at tapat na paglilingkod.



“Maraming maraming salamat sa lahat ng barangay captain ng Pilipinas sa pagsisilbi ninyo sa ating bayan,” ani Abalos.

Kung palaring mahalal, nangako si Abalos na magiging matatag siyang tagapagsulong ng kapakanan ng mga lokal na pamahalaan upang higit na mapaigting ang pamumuno sa antas ng barangay.



“Pabayaan n’yo maging boses ako ng mga lokal na pamahalaan. I-empower ko kayo dahil ang susi sa ating bansa—ang magdadala sa Pilipinas ay ang barangay system natin,” ani Abalos.

Nangako rin si Abalos na isusulong niya ang panukalang batas na naglalayong alisin ang VAT sa kuryente at iba pang buwis sa krudo na ginagamit sa power generation upang mapababa ang presyo ng kuryente at makahikayat ng mas maraming mamumuhunan.

Bilang dating alkalde ng Mandaluyong, nais din niyang ipatupad ang komprehensibong programa para sa mga magsasaka, kabilang ang abot-kayang pautang, pagbawas ng buwis sa lupa, pinalawak na crop insurance, at tulong sa edukasyon ng kanilang mga anak.

Sinusuportahan din niya ang agarang pagpasa sa National Land Use Act upang maprotektahan ang mga lupang pansakahan at isulong ang balanseng pag-unlad ng bansa. Nais rin niyang amyendahan ang Rice Tariffication Law upang bigyang suporta ang mga lokal na magsasaka at palakasin ang kapangyarihan ng National Food Authority (NFA).

Kabilang din sa kanyang adbokasiya ang karapatan ng mga manggagawa sa pamahalaan, partikular ang pagbibigay ng gratuity pay para sa mga job order at contract of service workers na matagal nang nagseserbisyo ngunit walang benepisyo at katiyakan sa trabaho.

Ayon kay Abalos, mananatili siyang bukas sa pakikipag-ugnayan sa mga lider sa lokal na antas.

“Ipinapangako ko sa inyo—makikinig ako, at sabay-sabay nating ipatutupad ang mga programa dahil ang pagkakaisa ang susi sa pag-unlad ng ating bansa,” ani Abalos.

“Pabayaan n’yo na ako tumakbo para ang batas na dapat gawin ay magawa ko. At ang alam kong batas na hindi na-implement nang maayos ay susuriin ko sa pamamagitan ng oversight power ng Senado,” dagdag niya. “Panahon na dapat umangat ang ating bansa. At ‘yung panahon na ‘yun ay ngayon.”

Sa huli, nanawagan si Abalos sa mga opisyal ng barangay na suriing mabuti ang mga kandidatong iboboto sa darating na eleksyon.

“Ilang linggo na lang magkakaeleksyon na. Suriin n’yong maigi ang magtatahi ng polisiya sa ating bansa. Sayang ang boto kung hindi ang mga tama ang iupo natin.”