Advertisers
WALANG pagtutol si Prosecutor General Richard Anthony Fadullon na mailipat sa kanyang tanggapan ang imbestigasyon sa reklamong ‘rape of a minor’ na isinampa laban sa isang Taiwanese investor sa Subic Free Port na unang isinampa sa Office of the City Prosecutor (OCP) sa Olongapo City noong Pebrero.
Sa panayam ng midya sa ginanap na ika-34 na pagtitipon ng Prosecutors’ League of the Philippines sa Pasay City, sinabi pa ni Fadullon na mismong si Olongapo City Chief Prosecutor Charlie Yap ang gumawa ng rekomendasyon dahil sa ilang mga nakitang problema sa agarang pagresolba ng reklamo sa kanyang opisina.
Ang rekomendasyon ay matapos namang magsampa ng reklamo at ‘motion to change venue’ ang abogado ng negosyante sa DOJ noong Marso 31.
Binanggit sa reklamo ang umano’y mga kaduda-dudang naging hakbang ni Olongapo Deputy Prosecutor Ria Sususco at administering prosecutor, Lilia Elizabeth Hinanay-Escusa, dahilan upang maghinala ang negosyante na hindi siya mabibigyan ng parehas na pagdinig sa lokal na piskalya.
Paglilinaw naman ni Fadullon, marami ang tumatawag at nagpapakilala hinggil sa kaso subalit hindi naman umano nagsasabi kung ano ang interes nila sa nasabing usapin at hindi rin pormal na humaharap sa piskalya ng Olongapo.
Matatandaan na kinasuhan ng 3-counts of rape, child abuse at corruption of minor sa Olongapo OCP ang negosyante noong Pebrero 13, na isang long-time locator sa Subic Free Port. Mariin namang itinanggi ng akusado ang bintang.
Sa dokumento, nangyari umano ang panghahalay noong Hulyo 2022 subalit naisampa lang ang reklamo halos 3 taon matapos ang insidente.
Samantala, mismong ang ina ng umano’y biktima ay itinanggi na siya ang nakapirma sa reklamo ng kanyang anak.
Dahil dito, malakas ang hinala ng kampo ng negosyante na gawa-gawa lamang ang reklamo at peke ang pagkatao ng mga nasa likod nito upang makapangikil kung saan maging ang ilang vlogger at kagawad ng midya ay nakikialam na rin sa nasabing kaso.