Advertisers

Advertisers

BONG GO SA BANTA NG ‘THE BIG ONE’: TIBAY NG MGA GUSALI, TIYAKIN

0 11

Advertisers

Hinimok ni Senator Christopher “Bong” Go ang mga may-ari ng gusali sa buong bansa na magsagawa ng structural integrity assessments kasunod ng nagbabantang “The Big One,” gaya ng babala ng mga statistical expert, kasunod ng 7.7-magnitude na lindol na tumama sa Myanmar at Thailand.

“Nawa’y maging ligtas ang kalagayan ng mga nasaktan at sugatan, at mahanap na ang mga nawawala, lalo na ang mga kapwa nating Pilipino na hanggang ngayon ay hindi pa rin natatagpuan, ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA). Magdasal tayo at bigyan natin sila ng lakas na malampasan ang trahedyang ito,” sabi ni Go ukol sa naganap na lindol sa Myanmar at Thailand.

Nagbabala si Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) Director Dr. Teresito Bacolcol na ang “The Big One”—isang potensyal na 7.2-magnitude na lindol—ay maaaring tumama sa National Capital Region (NCR) at mga kalapit na lugar. Posible itong magresulta sa mahigit 50,000 pagkamatay at matinding pinsala sa hindi bababang 12% gusali at tirahan.



“The Big One in NCR—the expected ground shaking in Metro Manila is intensity 8. We also expect that around 12% to 13% of residential buildings would sustain heavy damage,” sabi ni Bacolcol sa interview.

“For 10- to 30-storey buildings, around 11% would experience heavy damage, while 30- to 60-storey buildings could see about 2% affected,” dagdag niya.

“Kailangan natin ng mas maayos na koordinasyon at mas mabilis na tumugon sa panahon ng sakuna. Huwag na nating hintayin na madagdagan pa ang mga trahedya bago tayo kumilos. Ngayon na ang tamang panahon para maghanda,” idiniin naman ni Go.

Binigyang-diin ni Go ang isinabatas kamakailan na Republic Act No. 12076, o ang Ligtas Pinoy Centers Act na nag-uutos sa pagtatatag ng permanente, ligtas, at well-equipped evacuation centers sa lahat ng lungsod at munisipalidad sa buong bansa.

Bilang punong may-akda at co-sponsor nito, sinabi ni Go na dapat tiyakin ang kaligtasan at dignidad ng mga komunidad na nasasalanta ng sakuna at pabilisin ang mga effort sa kanilang pagrekober.



Itinulak din niya ang pagpapasa ng Senate Bill No. 188, o ang Department of Disaster Resilience Act, na layong lumikha ng isang dedikadong ahensya na nakatuon sa pagbuo ng adaptive at disaster-resilient na mga komunidad.

Bukod dito, idiniin ni Go ang kanyang pangako sa pagtugon sa mga hamon sa pabahay sa bansa. Binanggit niya ang SBN 192, na nagmumungkahi ng paglikha ng Rental Housing Subsidy Program para sa mga biktima ng kalamidad. Ito ay magbibigay ng pansamantalang tulong sa tirahan sa mga pamilyang lumikas habang sila ay muling nagtatayo o lumipat sa permanenteng pabahay.

Muli ring pinagtibay ni Go ang kanyang suporta sa inihain niyang Senate Bill No. 1181 o ang Philippine Building Act of 2022. Kailangan aniyang i-update ang mga teknikal na pamantayan at regulasyon sa pampubliko at pribadong mga gusali upang matiyak na ang mga bago at existing structures ay kakayanin ang malalakas na lindol.

“Ang kaligtasan ng ating mga tao ay dapat palaging maging prayoridad. Dapat tayong kumilos ngayon upang maiwasan na ang isang sakunang ganito kalaki ay kumitil ng libu-libong buhay,” diin ni Go.

Sa nagbabantang “The Big One,” sinabi ni Go na ang kanyang apela ay para sa pagkilos nang mabilis para palakasin ang paghahanda na maging matatag ang mga imprastraktura sa buong bansa.