Advertisers
Maghahain ng isang panukalang batas si ACT-CIS Representative Erwin Tulfo para mabigyan ng pensyon ang mga Overseas Filipino Workers (OFW) kapag nagretiro na ang mga ito at nagpasyang manirahan na lang sa bansa.
Sa isang ambush interview ng media kamakailan, sinabi ni Cong. Tulfo, “mga bagong bayani ang tawag natin sa kanila dahil sa ambag nila sa ekonomiya ng bansa.”
“Pero kapag tumanda na sila, naghihirap at umaasa na lang sa bigay ng mga anak.
Ganyan ba ang dapat maranasan ng isang bayani?” ani Tulfo na tumatakbong Senador sa ilalim ng Alyansa para sa Bagong Pilipinas.
“It’s the country’s way of saying thank you sa kanila sa pagtaguyod sa ating bansa ng ilang taon kaya marapat lamang na suklian sila ng sambayanan,” dagdag pa ni Tulfo.
Ayon sa mambabatas, “Marami-rami din sa mga OFW natin ay hindi nakapag-ipon dahil inuna ang pagpapaaral sa mga anak at pagbili ng bahay para sa pamilya.”
“Ang mga domestic helpers, laborers, drivers–yung mga mabababa ang sahod ang kadalasang hindi nakakaipon dahil sapat lang ang sahod nila para sa padala sa pamilya,”pagdidiin pa ni Tulfo.
Sa ihahaing panukala ni Cong. Tulfo, maghahati ang OFW at gobyerno sa kontribusyon para sa pension fund na mapapakinabangan ng OFW kapag nagretiro na ito.
Maaaring doble o triple ang kontribusyon ng gobyerno sa OFW pension na ito.
Paglilinaw rin ni Tulfo, ang isinusulong niyang pension ay mapapasailalim sa ibang sistema, kaya ang benepisyong ito ay iba pa sa makukuha ng OFW mula sa Social Security System o SSS, pagdating niya ng 60 years old. (Cesar Barquilla)