Advertisers

Advertisers

SUMIPA NA ANG LOCAL CAMPAIGN PERIOD

0 19

Advertisers

OPISYAL nang nagsisimula nitong Biyernes, Marso 28, ang 45-day local campaign period para sa 2025 Philippine elections.

Ito ang hudyat ng mas matinding kompetisyon sa pagitan ng mga kandidato sa iba’t ibang lokal na posisyon, kabilang ang mga gobernador, bise gobernador, miyembro ng provincial board, alkalde, bise alkalde, konsehal, at mga kinatawan sa House of Representatives.

Sa pagsisimula ng campaign period, ang lahat ng kandidato ay ganap nang “true candidates” at lubos nang responsable sa anumang election violations.



Hindi na nila maaaring itago ang kanilang mga aktibidad sa ilalim ng “Penera” doctrine, na naglilimita sa pananagutan ng isang kandidato bago ang opisyal na campaign period.

Sa landmark case na Penera vs. Comelec, idineklara ng Korte Suprema na ang isang kandidato ay mananagot lamang sa mga paglabag sa eleksyon kapag nagsimula na ang campaign period.

Kaya naman, ang yugtong ito ay nangangahulugan ng mas mahigpit na pagpapatupad ng election laws.

Mahalaga ring tandaan ang mahigpit na pagbabawal sa vote buying.

Sa pangunguna ng Commission on Elections (COMELEC), inilunsad ang “Kontra Bigay” committee upang mas paigtingin ang kampanya laban dito.



Matindi ang babala ni Comelec Chairperson George Garcia sa mga lalabag sa batas.

Kung hindi ako nagkakamali, sa bagong regulasyon, ang sinumang mahuhuling may dalang malaking halaga ng pera o mga kalakal habang namamahagi ng election materials—lalo na kung umabot sa P500,000 o higit pa—ay ituturing na may presumption of vote buying.

Bukod pa rito, ang mga indibidwal na mahuhuli sa akto ng vote buying ay maaaring arestuhin kahit walang warrant.

Sa ganitong kalakaran, kailangang maging maingat ang mga kandidato at kanilang campaign teams upang maiwasan ang paglabag sa batas.

Ang yugtong ito rin ang magiging mas maingay at mas matinding bahagi ng kampanya.

Hindi pa rin nawawala ang tradisyunal na house-to-house campaigns sa ilalim ng mainit na araw, dahil napatunayan na itong epektibo sa pangangampanya.

Ipinapakita ng mga survey na mas gusto ng mga botante na personal na makilala ang mga kandidatong iboboto nila.

Sa ganitong sitwasyon, may kalamangan ang mga mas bata at mas masigasig na kandidato na may mas mataas na enerhiya at determinasyon upang makipagsapalaran sa bawat komunidad.

Gayunpaman, sa loob lamang ng maikling panahon bago ang eleksyon, kailangang pagtuunan ng pansin ng mga campaign strategists ang data-driven activities.

Mahalaga ang mapping at tagging operations upang matukoy kung saang lugar mahina ang kandidato at kung saan kailangang pag-ibayuhin ang kampanya.

Ang mga kandidatong ngayon pa lamang magsisimula sa seryosong pangangampanya ay mahihirapang makahabol—sapagka’t ang kampanyang walang sapat na paghahanda ay halos tiyak na mabibigo.

Isang pagsubok sa tatag, talino, at diskarte ng bawat kandidato ang campaign period.

Hindi lang nakatatagal sa ganitong laban ang mga tunay na lider—sila mismo ang nag-e-enjoy sa hamon ng kampanya.

Kaya nga, kung hindi ka nasisiyahan sa stress at hirap ng yugtong ito, maaaring hindi para sa iyo ang pulitika.
***
Catch Gilbert Perdez’s “Barangay 882” radio show every Saturday from 4:00 PM to 5:00 PM. Tune in via ALIW Channel 23, DWIZ AM Radio, DWIZ 882 Facebook page, or DWIZ ON-DEMAND on YouTube. You can contact him via email at gil.playwright@gmail.com or through this number: 0991-3543676.