Advertisers
Sa pagdiriwang ng ika-80 kaarawan ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte, inihayag ni Senator Christopher “Bong” Go ang kanyang lubos na pasasalamat at pagmamalasakit sa kanyang mentor sa pulitika at karera kasabay ng paghimok sa mga Pilipino na huwag kalimutan ang halaga ng sakripisyo’t pagmamahal sa bansa ng dating lider.
“Sa araw na ito, nais ko lang iparating ang taos-pusong dasal at suporta kay Tatay Digong. Isa siyang lider na buong buhay ay inalay sa kapakanan ng Pilipino. Hanggang ngayon, ramdam pa rin natin ang kanyang malasakit,” ani Senator Go.
Ikinuwento ni Go kung paano ginawang personal na tradisyon ni Duterte na tahimik na ipagdiwang ang kanyang kaarawan kasama ang mga cancer patient.
“Nakagawian na po ni dating Pangulong Duterte na mag-simple blowout lang sa mga cancer patients. Eh halos hindi n’ya namimiss ‘yon eh. Eh ngayon wala s’ya. Kaya ipagpapatuloy ko po ito. Magpapakain po tayo. May mga kaibigan tayo na gustong magpakain rin po sa mga cancer patients,” ani Go.
Sa nakalipas aniya na 26 taon, kagaya ni Duterte ay hindi siya nagpa-party kapag nagdiriwang ng kaarawan.
Sa halip, ibinabahagi na lamang nila ang kanilang lakas sa pakikipag-ugnayan sa mahihirap at bulnerable, isang pamana sa kanya ni Duterte ng pagiging simple at pakikiramay na ipinangako niyang ipagpapatuloy.
“Mas tinutukan na namin ‘yung mahirap nating kababayan. ‘Yan po’y gusto kong ipagpatuloy. Kahit na simpleng selebrasyon,” sabi ni Go.
Sa prayer rally para sa kaarawan ni Tatay Digong, nanawagn si Go sa lahat na huminahon at ipagdasal ang dating Pangulo na patuloy na maging malusog at makalaya mula sa kulungan ng ICC.
“Patuloy ang paniniwala natin sa legal na proseso at sa mga institusyong gumaganap ng kanilang tungkulin. Sa ganitong panahon, mas mahalaga na manindigan tayo sa prinsipyo ng katarungan,” dagdag ni Go.
Mula Luzon hanggang Mindanao, at maging sa mga overseas Filipino, bumuhos ang mga mensahe ng pagmamalasakit at pakikiisa—mga testamento, ayon kay Senator Go, sa malalim at pangmatagalang koneksyon na nararamdaman pa rin ng marami sa dating Pangulo.
Kinumpirma ni Go na mahigit 200 site sa buong mundo—kabilang ang mga pagtitipon sa pangunguna ng mga overseas Filipino worker (OFWs)—ang nagdaos ng magkakasabay na prayer rally.
“Kahit na malungkot tayo ngayon dahil sa nangyayari sa ating Tatay Digong, palagi kong tinatandaan ang payo n’ya sa akin: ‘Just do what is right. Unahin ang interes ng bayan. Unahin ang kapakanan ng mga Pilipino lalo na ang mahihirap, at hindi ka magkakamali,” sabi ni Go.