Advertisers

Advertisers

Sec. Año kinilala bilang buhay na bayani sa gitna ng maling bintang

0 19

Advertisers

TUMANGGAP ng matibay na suporta si National Security Adviser, Eduardo Año, mula kay retired Lt. General Antonio Parlade, Jr. na mariing ipinagtanggol siya sa isang Facebook post, at tahasang pinabulaanan ang alegasyong kabilang ang una sa umano’y “core group” na nagplano sa pag-aresto kay dating Pangulo Rodrigo Duterte.

“TUTOK! HUWAG TAYONG MAWALA SA POKUS SA TUNAY NA KALABAN,” ani Parlade. “At ang kalaban ay HINDI ang buong pamahalaan. Ang kalaban ay ang CPP at ang mga galamay nito sa gobyerno.”

Bilang dating kumander sa Southern Tagalog at beteranong intelligence officer, pinatunayan ni Parlade ang integridad at makabayang paninindigan ni Año, na tinawag niyang isang “propesyonal na sundalo” na ang katapatan sa bayan ay “walang bahid.”



“Magkasama kaming naging Battalion Commander sa Southern Tagalog sa kasagsagan ng insureksiyon. Ang kanyang katapatan sa bandila ay hindi matatawaran,” ani Parlade. “Ito ang dahilan kung bakit naging matagumpay ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC)—dahil alam kong buong puso niyang itinulak ang adyenda: WAKASAN ANG KOMUNISTANG ARMADONG LABANAN.”

Si Año, dating Chief of Staff ng Armed Forces of the Philippines at isa sa mga pangunahing lider sa pagsupil sa Maute terror group sa Labanan sa Marawi, ay kasalukuyang Vice Chairperson ng NTF-ELCAC at National Security Adviser sa ilalim ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr.

Sa ilalim ng kanyang pamumuno sa intelligence at operasyon ng AFP at sa pagsuporta sa NTF-ELCAC, ilan sa mga pinakamataas na lider ng CPP-NPA ang na-neutralize—kabilang na sina Benito at Wilma Tiamzon, Jorge “Ka Oris” Madlos, Menandro Villanueva, at Antonio Cule, atibapa—na itinuturing na matitinding dagok sa kilusan.

Binigyang-diin ni Parlade na si Año ay laging kumikilos batay sa tungkulin, hindi sa pulitikal na paghihiganti. “Bilang NSA, siya ay nagbibigay ng payo—isang obligasyong kanyang ginagampanan bilang mabuting sundalo. Ang pagbibintang na siya’y hindi tapat kay dating Pangulong Duterte ay LUBHANG HINDI MAKATWIRAN. Malaki ang utang na loob ng bayan sa taong ito kung bakit tayo’y nananatiling matatag hanggang ngayon.”

Ang kontrobersiya ay nag-ugat sa maling paratang na si Año ay kasali sa planong arestuhin si Duterte dahil sa maling kuwento ni DILG Sec. Jonvic Remulla. Ngunit agad itong pinabulaanan at itinama sa isang pagdinig sa Senado ni Remulla mismo na tumawag kay Año bilang isang “propesyonal at mabuting sundalo.”



“Ang kasaysayan ang huhusga kung paano natin itinuring ang arkitekto ng pagbagsak ng CPP,” ani Parlade. “Ngunit batid kong si Secretary Año ay hindi kabilang sa mga nagplano nito.”

Tinapos ni Parlade ang kanyang pahayag sa panawagan ng pagkakaisa sa gobyerno, at sinipi si dating Associate Justice Antonio Carpio: “Dapat may pagkakaisa ang pamahalaan upang hindi manaig ang mga puwersang nais pabagsakin ang ating demokrasya.”

Bilang National Security Adviser at batikang mandirigma laban sa terorismo at insureksiyon, si Secretary Eduardo Año ay nananatiling haligi ng katatagan—isang buhay na bayani na kailanma’y hindi tumalikod sa paglilingkod sa bayan.