Advertisers
Ni Archie Liao
VERY insightful ang naging panayam ni Karen Davila sa Kapuso Primetime Queen na si Marian Rivera sa kanyang vlog.
Ayon sa aktres, kahit galing daw siya sa broken family dahil nakagisnan niyang hiwalay ang kanyang mga magulang ay never daw naman siyang nagtanim ng sama ng loob sa mga ito.
Malaking bagay daw ang patnubay ng kanyang lola na pinunuan ang kakulangan ng kanyang mga magulang.
Sa piling ng kanyang lola, lumaki raw siyang disiplinado
Natuto raw siya ng mga gawaing bahay at iba pang chores tulad ng pagluluto at paglalaba.
Katunayan, siya raw ang naglalaba ng kanyang underwear, bagay na ipinasa niya sa kanyang anak na si Zia.
Bago rin daw siya pumasok sa showbiz ay nagkaroon siya iba’t-ibang trabaho.
Nagturo raw siya noon at nagtrabaho rin sa National Mental Hospital sa Mandaluyong.
Pagbabahagi pa niya, na-enjoy din daw niya ang trabaho niya noon bilang aide na nagbibigay ng tulong at nagpapainom ng gamot sa mga residenteng pasyente.
Ibinahagi rin niya ang kanyang mga karanasan sa iba’t-ibang klase ng pasyente sa nasabing institusyon na kung hindi buo ang loob mo ay katatakutan ng mga kababaihan.
May pagkakataon daw na may nagma-maryang palad sa kanyang harapan na nang lumaon ay kanya nang nakasanayan.
Ito raw ang isa sa mga dahilan kaya sanay siya sa pakikisalamuha sa anumang klase ng laban.
Tungkol naman sa mga bumabatikos sa kanyang pag-iingles, hindi naman niya itinatanggi na allergic siya sa pagsasalita ng wikang banyaga na kabaligtaran sa kanyang anak na si Zia na very fluent sa nasabing lengguwahe.
Fast forward, noong patali raw naman siya kay Dingdong Dantes ay nakita niyang ito na ang lalakeng itinadhana sa kanya.
Taliwas sa impresyon ng iba, submissive raw siya pagdating sa kanyang mister.
Hinggil naman sa mga babaeng na-link sa kanyang kabiyak, aminado naman siyang inaaway niya ang mga ito noon.
Inamin naman niyang selos siya pero nasa lugar daw ang pagseselos niya.
May mga babae raw kasing nagpapakita ng motibo sa kanyang mister kaya kinukumpronta niya ang mga ito.
Ang siste lang daw kasi ay nagre-react daw agad siya doon sa babae at hindi kay Dong na na-realize niyang mali.
Gayunpaman, nagkapatawaran na raw naman sila ng mga giniyera niya noon.
Pagdating daw sa pagdisiplina sa kanyang mga anak, istrikto raw siya.
Naging patakaran daw nila ni Dingdong na bawalan ang mga ito na gumamit ng anumang gadget para hindi ma-distract sa pag-aaral.
Kahit mahigpit, nagso-sorry din daw naman siya sa kanyang mga anak kapag feeling niya ay naging harsh siya sa mga ito.