Advertisers

Advertisers

Mayor Honey sa mga opisyal kawani ng City Hall: ‘Umiwas sa pulitika at ituon ang isip sa serbisyo sa mga Manileño

0 11

Advertisers

HAYAAN ninyo ang pamumulitika sa mga pulitiko.

Ito ang paalala ni Mayor Honey Lacuna sa lahat ng city officials at empleyado ng Manila City Hall kaugnay na nalalapit na simula ng campaign period para sa local elections sa March 28 (Biyernes).

“Alam ko po, papalapit na nang papalapit ang eleksyon o pagsisimula ng kampanya sa lahat ng LGU at di naman tayo naiiba dito. Ang akin lang pong paalala sa bawat isang kawani ng lungsod ng Maynila, bagamat meron tayong kani-kaniyang opinyon, kani-kaniyang paniniwala at sinusuportahan, lagi po nyong aalalahanin na higit sa lahat, ang kailangan n’yo pong suportahan ay ang atin pong mga kababayan kaya mag-focus lamang po tayo sa mga tungkuling iniaatas sa atin,” pahayag ng alkalde sa flagraising ceremony sa City Hall.



Idinagdag ng alkalde na: “hayaan n’yo po ang pamumulitika sa mga pulitiko. ‘Wag na po kayong makisawsaw pa sa mga ibat-ibang mga nalalaman at naririnig n’yo.”

Ayon sa lady mayor, ang dapat na priority ng isa sa bawat civil servant ay nakasentro sa pagbibigay ng pinakamalaking, mabilis at tamang serbisyo para sa lahat ng residente ng Maynila.

“Ang importante po para sa ating lahat ay makapagbigay tayo ng tama at agarang serbisyo sa ating mga kababayan kasi ‘yan po ang inaasahan nila sa atin kaya tuloy-tuloy lang po tayo sa ating pagtrabaho,”apela ni Lacuna sa mga kawani ng City Hall.

Muli ring inulit ng alkalde ang kanyang sinabi noong mga nakaraan at ipinapaalala sa lahat na mayroong limitasyon kung hanggang saan ang pagpapakita ng kung ano at sino ang suportahan mo sa pulitika.

“May hangganan po ang ating pagpapakita ng ating kagustuhan o mga sinusuportahan… mag-iingat lamang po kayo dahil kayo ay mga kawani ng pamahalaan kaya po para di tayo magka-problema, ang pnakamaganda po ay mag-focus tayo sa ating mga tungkulin at ‘yan po kasi ang inaasahan sa atin, ang pagbibigay ng tapat at totoong paglilingkod,” sabi pa ni Lacuna. (ANDI GARCIA)