Advertisers

Advertisers

IMEE KUMALAS SA TIKET NG UTOL NA SI PBBM

0 13

Advertisers

OPISYAL nang kumalas si Presidential sister at reelectionist Senator Imee Marcos sa senatorial ticket ng kanyang kapatid na si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Sa kanyang pahayag, binanggit ni Imee ang mga ginawa ng administrasyon noong naaresto si dating pangulong Rodrigo Duterte na taliwas sa kanyang mga paninindigan at prinsipyo.

“Malinaw na may mga hakbang na ginawa ang administrasyon na salungat sa aking mga paninindigan at prinsipyo,” pahayag ni Imee.



“Dahil dito, hindi ko na magagawang mangampanya at tumuntong sa iisang entablado kasama ang iba pang kasapi ng Alyansa. Tulad ng aking sinabi mula sa simula ng panahon ng halalan, mananatili akong independyente,” diin ng senadora.

“Higit sa anumang pulitikal na pakinabang, dapat manaig ang soberanya ng bansa at ang tunay na katarungan para sa bawat Pilipino,” sabi pa niya.

Tinukoy din ni Imee ang mga pahayag kamakailan ng mga opisyal ng gobyerno sa imbestigasyon ng Senate foreign relations committee hinggil sa pag-aresto kay Duterte na kanyang pinamunuan.

“Sa patuloy nilang pagbanggit ng executive privilege at sub judice rule — kahit sa mga pagkakataong walang malinaw na kaugnayan ang mga ito sa tanong na ibinabato — ang mga kinatawan ng gobyerno sa pagdinig ng Senado noong nakaraang linggo ay mistulang nagtatago ng mahahalagang katotohanan,” paliwanag ng senadora.

“Paulit-ulit nilang hirit — sumusunod lamang ang bansa sa pandaigdigang kasunduan. Pero ang hayagang pagtatakip sa katotohanan ay lalo lamang nagpalakas ng hinala na maaaring nalabag ang Saligang Batas at nabawasan ang ating soberanya sa pagkakaaresto ni dating Pangulo Rodrigo Roa Duterte,” punto pa niya.



Sinabi naman ni Navotas City Rep. Toby Tiangco, Alyansa Para sa Bagong Pilipinas’ campaign manager, na inirerespeto nila ang desisyon ng senadora.

“We respect Senator Imee’s decision. We wish her luck in the campaign,” ani Tiangco.

Matatandaang sa ginanap na campaign sorties sa Cavite at Laguna, hindi binanggit ni Pangulong Marcos ang pangalan ng kanyang ate na si Imee sa kanyang endorsement speech. (Mylene Alfonso)