Advertisers
KAMAKAILAN sa isang ginanap na pagdinig ng House tri-committee (tri-comm) sa House of Representatives na tumalakay sa online fake news at disinformation ay may maling binitiwang pahayag itong ating Presidential Communications Office (PCO) Secretary Jay Ruiz na sabi niya, “wala na sa atin ang Sabah.”
Mali ka Mr. Sec. Jay: kailanman, nananatili, hindi nababago, mula noon, at hanggang ngayon ang pag-angkin sa Sabah sapagkat hindi binitiwan, hindi inabandona ng Pilipinas ang pagmamay-ari ng Sabah – na dating North Borneo ang pangalan.
Noon pang 1963, sa panahon ni dating Presidente Diosdado Macapagal, iginiit na natin na ang Sabah ay atin at mananatiling atin.
Noong 1968, naging batas ang Republic Act 5446 na malinaw na nakalagay sa batas na ito na pag-aari, sakop at patuloy na inaangkin ng ating gobyerno ang Sabah.
Sa ating Konstitusyon ng 1968, 1973, 1987, malinaw na nakasaad na atin ang Sabah, at sa isang desisyon ng Supreme Court noong 2009, sinabi na legal ang inamyendahang RA 9522 (Base Line Law) na atin nga, sakop ng ating soberanya ang Sabah.
Katunayan, noong 1967, binuo ng tatay ni Pangulong Bongbong Marcos Jr., si Presidente Marcos Sr. ang “Operation Merdeka” upang bawiin ang Sabah, pero nabigo ito dahil inalerto ni Sen. Benigno “Ninoy” Aquino ang Malaysia.
Sa isang privilege speech ni Ninoy sa Senado, ibinulgar niya ang “Operation Merdeka,“ ni Marcos kaya nakapaghanda ang militar ng Malaysia, at tuluyang kinubkob ang Sabah at isinama sa Federation of Malaysia.
Kung hindi nagdadakdak si Ninoy, baka noon pa, nabawi na natin ang Sabah at naibalik na sa tunay na nagmamay-ari nito ang Sultanate of Sulu.
Matatandaan, nang patayin si Ninoy sa tarmac ng Manila International Airport noong Agosto 21, 1983, Malaysian passport ang gamit niya sa pangalang Marcial Bonifacio.
***
For your info Sec. Jay, hindi ngayon lamang naulit ang paggiit natin sa pagmamay-ari sa Sabah.
Noong 2019, sinabi noon ni dating Malaysian Prime Minister Mahathir Mohamad na wala raw anomang karapatan sa pag-angkin natin sa Sabah.
Pero, iginiit noon ni dating Chief Presidential Legal Counsel Secretary Salvador Panelo, atin ang Sabah, at kailanman, hindi natin inaabandona ang pag-mamayari sa Sabah.
So, Sec. Jay, atin talaga ang Sabah, kaya nga noong Feb. 11, 2013, nangyari ang Lahad Datu Standoff na kinubkob ng mahigit na 235 armadong miyembro ng Royal Security Forces of the Sultanate of Sulu ang ilang gusali at bahay sa bayan ng Lahad Datu, Sabah.
Layon ng pagkubkob ay bawiin pero nabigo ito, 56 Filipino ang namatay, 10 Malaysian at anim na sibilyan ang namatay sa loob ng ilang linggong paglalaban.
Batay sa kasaysayan, noong 1878, ipinarenta ng Sultan ng Sulu ang Sabah sa isang mamamayang Briton, si Baron de Overbeck, at noon lamang 1957 lumaya ang Malaysia mula sa pananakop ng Great Britain (GB).
Ang halaga ng renta sa Sabah ay halagang P77,000 bawat taon, katibayan na atin talaga ang Sabah.
Nang iwan ng GB ang Sabah, hindi nito isinauli sa Sultanato ang lupa nito, at kasama sa ikinabit sa Malaysia na ngayon ay inilalaban nang patayan ang ilegal na pag-angkin dito.
Sa ngayon ay itinigil na ng Malaysia ang pagbabayad ng upa sa mga angkang Kiram, pero noon ay hindi makapagsisinungaling na nagbabayad sila sa upa sa lupang Sabah sa mga Kiram.
Nang tangkain ng Malaysia na isama sa teritoryo nito ang Sabah noong 1963, ito ay kinontra ng Pilipinas at ng Indonesia, pero sa isang plebesito, mas pinili ng mga taga-Sabah na manatili sa poder ng Malaysia.
Walang duda, ang Sabah ay pag-aari ng Pilipinas: Atin ang teritoryong ito, at hindi maaaring mabaligtad ang katotohanan na ang Sabah ay tunay na atin, tunay na tayo lamang ang may karapatang magmay-ari nito, hindi ang Malaysia.
Atin ang Sabah, huwag natin ito isusuko kailanman.
***
Federalismo ba, isang sistemang parliamentaryo ba ang dapat na ipalit sa presidential system sa ating bansa?
Isa ito na laging mainit na pinagtatalunan sa tuwing pag-uusapan ang charter change (cha-cha) dahil sa maraming modelo nito na kailangang maiangkop sa kultura, ugali at geography natin na hiwa-hiwalay na mga pulo sa dagat na may iba-ibang salita, iba-ibang kinaugaliang iba sa mga kalapit na rehiyon.
Federal government ba na tulad sa Canada na prime minister ang may hawak ng executive power o tulad sa US na federal presidential o ang modelo ng Germany, o ng Japan, o ng England at iba pang bansa?
Pero nagkakaisa ang maraming mamamayan at maging ang mga mambabatas, panahon na para amyendahan o tuluyang gumawa at lumikha ng isang bagong Konstitusyon natin.
Maraming provision sa Cory Constitution ang kailangang mabago tulad ng teritoryo ng Pilipinas na nawala ang soberanya natin sa Sabah, mga teritoryo sa dagat, foreign direct investment, pagkontrol sa public utilities tulad ng koryente, tubig at enerhiya at transportasyon at komunikasyon.
At ang probisyon tungkol sa martial law, pagbawal na magkaroon tayo ng nuclear arms at pagmamay-ari ng lupa at korporasyong pwede sa mga dayuhan.
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe sa bampurisima@yahoo.com.