Advertisers
Nagambala ang operasyon ng Office of the Vice President (OVP) noong Lunes ng hapon nang makatanggap ng banta ng bomba sa pamamagitan ng text message.
Dahil dito, inilikas ang mga tauhan ng OVP patungo sa Robinsons Cybergate Plaza sa Mandaluyong City.
Agad namang rumesponde ang Explosive Ordnance Disposal team ng Mandaluyong Police upang magsagawa ng inspeksyon, ngunit walang nakitang pampasabog. Ipinagpatuloy ang operasyon ng OVP pagsapit ng 4 p.m.
Ayon sa OVP, seryosong usapin sa seguridad ang mga bomb threats at ang pagpapakalat ng pekeng banta ay may kaukulang parusa sa ilalim ng Presidential Decree No. 1727.
Samantala, nasa The Hague, Netherlands si Vice President Sara Duterte upang bisitahin ang kanyang ama, dating Pangulong Rodrigo Duterte, na nahaharap sa paglilitis sa International Criminal Court (ICC). (Boy Celario)