Advertisers
Ni BLESSIE CIRERA
SINA Piolo Pascual at Kim Chiu ang itinanghal na Best Drama Actor (Pamilya Sagrado, A2Z, TV5) at Best Drama Actress (Linlang, A2Z, TV5) sa katatapos na 38th Star Awards for Television Linggo ng gabi sa Dolphy Theater, QC.
Mangiyak-ngiyak na tinanggap ni Kim ang kanyang tropeyo at nagpasalamat sa ilang tao na nakatulong anya sa kanya upang magampanan nang maayos ang kanyang unang bida-kontrabida role sa telebisyon.
Wagi namang Best TV Station ang GMA7.
Sa iba pang major categories ay nanalo sina Janine Gutierrez bilang Best Drama Supporting Actress sa mahusay na pagkakaganap sa seryeng Lavender Fields ng TV5, A2Z.
Nag-tie naman sa kategoryang Best Drama Supporting Actor sina Dennis Trillo ( Pulang Araw, GMA7) at Arnold Reyes (My Guardian Alien, GMA7).
Personal na tinanggap naman ni Coco Martin at ng mga direktor niya ang tropeyo bilang Best Primetime TV Series para sa FPJ’s Batang Quiapo (A2Z,TV5).
Wagi bilang Best Variety Show ang Showtime at si Kim bilang Best Female TV Host. Si Bossing Vic Sotto naman ang nanalong Best Male Host (Eat Bulaga, GMA 7).
Nasungkit ng Abot-Kamay Na Pangarap (GMA 7) ang Best Daytime Drama Series; Walang Matigas Na Pulis sa Matinik Na Misis (GMA 7) bilang Best Mini Series; at Best Drama Anthology ang Magpakailanman (GMA7).
Naging emosyunal si Janice de Belen na tinanggap ang rekognisyon bilang Ading Fernando Lifetime Achievement Award. Ang nagpakilala naman kay Julius Babao na ginawaran ng pagkilala bilang Excellence in Broadcasting Award Lifetime Achievement Award ay ang mentor niyang si Jake Maderazo.
Tilian ang kanilang mga tagahanga nang umakyat sa entablado upang tanggapin ang kanilang tropeyo bilang German Moreno Power Tandem ang KimPau (Kim Chiu/ Paulo Avelino at BarDa (Barbie Forteza at David Licauco.
Tinanggap naman ni Maritess Gutierrez ang plake para sa kanyang namayapang inang si Gloria Romero na binigyan ng special tribute at inalayan ng awitin ni Concert King Martin Nievera.
Naroon din ang bumubuo ng cast ng I-Witness (GMA7) para tanggapin ang parangal nila nang maluklok bilang Hall of Fame Award sa taong ito.
Nauna rito ay inihayag na ng PMPC Star Awards ang ilan pang nanalo sa iba’t ibang kategorya.
Ang 38th Star Awards for Television ay mula sa Airtime Marketing ni Tess Celestino-Howard at sa direksyon ni Eric Quizon.
Ang pagbibigay-parangal na ito ay mula sa PMPC Star Awards sa pamumuno ni Mell Navarro na kasalukuyang PMPC President at Overall Chairman Rodel Fernando.
Mapapanuod ang delayed telecast ng buong parangal sa April 7 sa A2Z.