Advertisers

Advertisers

Fire volunteers muling pinasalamatan ni Mayor Honey

0 52

Advertisers

DAHIL papatapos na ang ‘Fire Prevention Month’ muling inulit ni Manila Mayor Honey Lacuna ang kanyang pasasalamat sa lahat ng fire volunteers na palagiang tumutulong sa government firefighters tuwing may sunog saan man sa lungsod.

Sa kanyang talumpati sa 30th anniversary ng Sta. Cruz Fire Rescue Volunteers, binanggit ni Lacuna na sa loob ng ilang dekada ang mga fire volunteers ay laging naririyan na naghahandog ng kanilang oras, lakas, tapang para protektahan ang buhay at mga aria-arian. Nagbibigay din sila ng pag-asa sa mga biktima ng sunog, sa kabila ng madalas nilang isinasapalaran ang kanilang buhay sa panganib.

“Sa bawat sunog, bawat emergency at bawat pagkakataon ng pangangailangan, ipinakita nila ang tunay na diwa ng bayanihan. Sa kanilang pagkakaisa at pagtutulungan napagtibay ang ating komunidad at nagsilbing inspirasyon para sa marami,” pahayag ng lady mayor kasabay ng kanyang pagbati sa mga fire volunteers sa kanilang anniversary.



Idinagdag pa nito na: “Nawa’y patuloy kayong magtagumpay at magsilbing gabay sa lahat ng mga susunod na henerasyon ng mga volunteer na magsisilbing sandigan ng ating komunidad.”

Sinabi naman ni 3rd District Congressman Joel Chua na dumalo rin sa pagtitipon tulad ni Lacuna na siya at ang alkalde ay laging naririyan upang sumuporta lagi sa fire volunteers sa abot ng kanilang makakaya.

Sinabi ni Chua na ang iba’t-ibang organizations ng fire volunteers ay laging nasa forefront at walang takot na tumutulong sa lungsod sa pagliligtas ng buhay at mga ari-arian tuwing may sunog.

Parehong binanggit nina Lacuna at Chua ang di mabilang na insidente kung saan laging tumutulong ang volunteer firefighters sa Maynila at sinabi pa niyo na habambuhay ng may utang na loob ang lungsod s kanila.

“Ang dasal ko, sana po ay dumami pa kayo. Hindi lang sa Maynila pati na rin sa mga kalapit na lungsod at probinsya ng ating bansa na mangangailangan ng dagliang tulong sa oras na may sunog,” dagdag ng alkalde.



Nanawagan din siya sa lahat ng Manileño na ituring na ‘Fire Prevention Month,’ ang bawat buwan upang higit na maging maingay dahil na rin sa dami ng sunog na naganap nitong mga nakaraang buwan at laging unahin ang buhay kaysa aria-arian. (ANDI GARCIA)