Advertisers
Lubos na pinasalamatan ni Senator Christopher “Bong” Go ang Iglesia ni Cristo (INC) sa matatag at maprinsipyong paninindigan nito sa gitna ng kaguluhan sa pulitika kasunod ng pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Pinuri rin ng senador ang panawagan ng religious group para sa pagkakaisa, kapayapaan, at pagsunod sa panuntunan ng batas.
Nauna rito, binasag ng INC, sa pamamagitan ng tagapagsalita nitong si Ka Edwil Zaballa, ang kanilang pananahimik sa sitwasyon, sa pagsasabing ang mga rally at public unrest kamakailan ay nag-ugat sa pagtanggi ng gobyerno na sundin ang mga naunang panawagan para sa pambansang pagkakasundo at matinong pamumuno.
“Nang mag-rally, ang panawagan ay kapayapaan, pagkakaisa at unahin ang problema ng bansa. Hindi pinakinggan ng kinauukulan kaya nangyari ‘yung mga nangyayari ngayon,” sabi ni Zaballa patungkol sa isinagawang National Rally for Peace ng INC noong Enero 13, 2025.
Ang malawakang pagtitipon na dinaluhan ng 1.8 milyong katao sa buong bansa, ay inorganisa upang tutulan ang mga pagsisikap sa patalsikin si Vice President Sara Duterte sa pamamagitan ng Impeachment at itaguyod din ang kapayapaan at pagkakaisa sa gitna ng mga tensiyon sa politika.
Nilinaw din ni Zaballa kung ano ang posisyon ng INC sa pag-aresto kay Duterte kasabay ng babala laban sa pagmamanipula sa mga legal na proseso upang maghabi ng mga naratibo sa pulitika.
“Kung ano ang tama at kung ano ang nasa batas, ‘yun sana ang pairalin. ‘Wag pilipitin. Hindi sumasang-ayon ang INC sa anumang hakbang na hindi sang-ayon sa batas. Sinumang Pilipino ang may ginawang paglabag sa batas, dito dapat litisin. Nagtitiwala ang INC sa integridad at kakayahan ng hudikatura. Pairalin ang katarungan.”
Bilang reaksyon sa mga pahayag na ito, pinasalamatan ni Senator Go ang INC sa pagsasabing ang kanilang mensahe ay sumasalamin sa nararamdaman ng maraming Pilipino ngunit maaaring natatakot na sabihin o ihayag.
“Maraming salamat po sa suporta at pagmamahal sa Pilipino,” sabi ni Go.
“Sa ganitong panahon ng kaguluhan at pagdududa, napakahalaga ng mga boses na naninindigan para sa batas at kapayapaan. Unahin po natin ang kapakanan ng mga Pilipino at ipaglaban ang interes ng bayan.”
Binigyang-diin ni Senator Go, na nagsilbing close aide ni Duterte bago mahalal sa Senado, na ang Pilipinas ay may gumaganang mga korte at institusyon.
“Ang kailangan natin ngayon ay pagkakaisa at pagkilala sa proseso ng ating batas. Kaya muli, nagpapasalamat ako sa INC sa pagiging matatag at patas sa paninindigan,” ani Go.
Sinabi ng senador na nananatili siyang umaasa na ang katarungan at kapayapaan ay mananaig—kung pipiliin ng mga Pilipino ang batas at katotohanan kaysa sa paghihiganti at pagkakahati.