‘Alyansa’ Senate bets ipinanukala iba’t ibang paraan para sugpuin pagdami ng polusyon sa Laguna Lake
Advertisers
SANTA ROSA CITY, LAGUNA — Naniniwala ang mga pambatong senatorial candidates ng Alyansa Para sa Bagong Pilipinas na mareresolba lamang ang lumalalang polusyon sa Laguna Lake sa pamamagitan ng ‘multi-pronged approach’ o magkakatuwang na pagkilos mula sa legislative review, enforcement at local accountability.
Sa isinagawang press conference dito nitong Sabado, sinabi ni reelectionist Senator and Majority Leader Francis “Tol” Tolentino na kailangang ma-review ang mandato ng Laguna Lake Development Authority (LLDA), baka hindi aniya sapat ang kapangyarihan nito para tugunan ang problema sa polusyon sa lawa.
“Siguro po it’s about time that we review the mandate of the Laguna Lake Development Authority. Siguro ‘yong enforcement, ‘yong minsan kulang kasi kine-claim nila na kulang sila sa mandato lalong-lalo na ‘yong mga seepage na nanggagaling sa Metro Manila,” paliwanag ni Tolentino.
Mahalaga rin aniya na malaman kung ano iyung mga sanhi ng pagdumi ng lawa, maging ang pinagmumulan nito.
“So we review that law, ‘yong LLDA creation as well, as we look into the problems given by not just the pollutants but the polluters kung saan galing ito,” dagdag nito.
Para kay ACT-CIS Partylist Representative Erwin Tulfo, dapat bantayan ng lokal na pamahalaan ang mga residente na nagtatayo ng kani-kanilang bahay malapit sa mga pader na naghihiwalay sa lawa, bukod sa ginagawang aksiyon ng LLDA.
“Pangalawa po siguro kailangan din tulungan ng local government units ang mga pag-construct po ng mga kabahayan d’yan sa tabi sa mga dagat at sa mga lake kailangan pong bantanyan ‘yan,” sey ni Tulfo.
Mahalaga aniya ang papel ng mga LGU sa pagpigil sa pagkasira ng lawa, maging mahigpit sa pagbibigay ng mga permit sa pagtatayo ng mga establisyimento malapit sa lawa.
“If you build a house there dapat ang tanong po d’yan ng engineering saan pupunta d’yan saan dadaloy? Mayroon ka bang sewerage? Saan pupunta ‘yong dumi mo ibabagsak mo lang ba sa Laguna Lake eh d’yan manggagaling ang mga isda natin,” punto ni Tulfo.
Nababahala si Tulfo na patuloy na masisira ang lawa kapag walang aksiyon na ginawa.
“Kailangan ho nating bantayan kasi kung hindi po wala na hong pag-asa iyan. Isang araw po baka mawawala na po ang mga isda d’yan, talagang magiging polluted na po ‘yan, sayang naman,” dagdag nito.
Sa panig ni former Interior Secretary at Mandaluyong Mayor Benhur Abalos, ibinahagi nito ang kanyang karanasan sa pagtalima sa polusyon sa Pasig River.
Aniya, dapat alamin muna ang pinagmumulan ng problema at atasan ang nararapat na gumawa ng aksiyon.
“So we must have a checklist. Ano ba ‘yung sitwasyon ngayon? Ano ang problema at ano ang dapat gawin at sinong ahensya ang gumagawa?” sabi ni Abalos.
Dapat din aniyang papanagutin ang mga ahensiyang walang aksiyon.
“Kung hindi niya ginagawa, anong dapat pang gawin? Dapat bang palakasan ito o dapat talaga siyang medyo pagalitan o gawan ng aksiyon?” wika ng multi-awarded former local chief executive.
Ipinaliwanag ni Abalos kung paano ipinatupad ng Mandaluyong City ang sewage connection program para sugpuin ang pagtatapon ng mga pollutans sa Pasig River.
“For one, ang pollutants po sa amin ay nanggagaling din doon sa mga factories, nanggagaling din po doon sa mga nakatira. Talagang walang lalabasan. Sumunod, doon po kasi sa amin may bayaran kami ng tubig, dapat lahat ng sewage nakakonekta sa kanila bago ilabas sa Pasig river. Mahabang proseso po ito pero tyinaga po namin ito,” sambit pa ni Abalos.
Kasama rin sa ‘Alyansa’ slate sina Makati Mayor Abby Binay, Senator Ramon Bong Revilla, Senator Pia Cayetano, former Senator Panfilo “Ping” Lacson, Senator Lito Lapid, Senator Imee Marcos, former Senator Manny Pacquiao, former Senate President Vicente “Tito” Sotto III at si Deputy Speaker Camille Villar.