Advertisers
ANG impeachment trial ni Misfit Sara ang isa sa maraming bagay na isinantabi sa pagdakip kay Gongdi at pagbitbit sa kanya sa piitan ng International Monetary Court (ICC) sa The Hague, The Netherlands. Pansamantalang nabalam ang proseso ng pagtanggal sa kanya dahil mas sinubaybayan ng mga mamamayan ang pag-aresto at pagdala sa kanya sa kulungan ng ICC.
Hindi naming nalilimutan kung paano idinidribol ni Tsis ang proseso. Inilagay niya ang proseso ng impeachment trial sa sariling kamay at pinaglaruan ni Tsis upang bigyan ng proteksyon si Misfit Sara. May kalayuan ang tingin ni Tsis: Sara-Tsis tiket sa 2028. Dahil nakakulong si Gongdi, hindi na matutuloy ang tiket na iyan. Si Tsis na ang nasa ibabaw.
Tanging lakad ni Tsis ang bigyan ng proteksyon ang mga Duterte kahit ano pa ang lawak at lalim nga kanilang madugo pero bigong giyera kontra droga. Kasama siya sa mga kumampi kay Gongdi. Ambisyoso si Tsis at kailangan niya ang suporta ng mga Duterte upang manalo sa 2028. Gusto niya na maging manok siya ng mga Duterte sa 2028.
Ang suliranin ni Tsis ay matutuluyan ang kanyang mahal na diyosa. Sasailalim si Misfit Sara sa paglilitis sa Hulyo. Hindi na niya mahaharang ito kahit anong pagpigil ang kanyang gawin. Mas maraming senador na kontra sa mga Duterte ang uupo bilang bagong senador. Mas mahirap na makalusot si Misfit Sara sa paglilitis sa Hulyo.
Sa pagtaya ni Sonny Trillanes, malamang na isa na lang ang matitirang senador na kampi kay Misfit Sara – si Robin Padilla. Hindi rin sigurado kay Imee Marcos dahil pabago-bago ang isip ng senadora sa isyu at hindi siya malinaw mag-isip. Malaki ang posibilidad na tuluyang matanggal si Misfit Sara sa pagiging pangalawang pangulo.
Alam ng China ang posibilidad na ito. Pilit nilang naimpluwensyahan na matigil ito. Ang suliranin nila ay bistado ang mga maka-China na pulitiko. Malamang na hindi sila mahalal sa Mayo. Kasama sa laro na uubusin sila. Nililigawan ni Tsis ang China para sa kanyang ambisyon sa 2028. Isa si Tsis sa mga maka-China. Kasama niya si Misfit Sara sa pagsuporta sa Peking.
Gayunpaman, matatanggal si Misfit Sara sa puwesto. Nakakasa na iyan. Hindi iyan tatalikuran ni BBM. Uubusin ang Duterte sa halalan upang tuluyang na silang mawala sa 2028. Ibang laro ang darating sa atin sa 2028.
***
LINAWIN natin ang mga nangyayari sa kampo ni Gongdi. Una, tuloy-tuloy ang pagkulong kay Gongdi sa piitan ng ICC sa The Hague. Hindi namin nakikita na bibigyan siya ng temporary liberty dahil sa masamang karanasan ng ICC sa dating pangulo ng Kenya na binigyan noon ng temporary release. Sumunod ang dating pangulo sa utos ng ICC ngunit nangamatay ang mga saksi at marami sa kanila nawala dahil tinakot ng dating pangulo. Ayaw na ayaw ng ICC na mangyari ito kay Gongdi kung palalayain siya.
Ikalawa, si Nicholas Kaufman ang tatayong nag-iisang abogado sa defense team ni Gongdi sa The Hague. Sinibak ni Misfit Sara si Harry Roque dahil mas nauna pa humingi ng political asylum sa gobyerno ng The Netherlands. Ayaw ni Misfit Sara na magkaroon ng komplikasyon ang depensa ng ama dahil sa hinihinging asylum ni Roque. Nagkasakit si Bingbong Medialdea at mas nais niya na bumalik sa Maynila kesa humarap sa depensa ni Gongdi.
Kasalukuyang binubuo ang defense team ni Gongdi. Hindi malaman kung may abogadong Filipino na sasama sa defense team niya. Alam nila na mahirap ang kaso ni Gongdi dahil may mga tumayong saksi laban sa kanya. Salita lang ni Kaufman na madali lang ang pag-absuwelto ni Gongdi. Madaling sabihin pero mahirap gawin para sa totoong abogado.
Ikatlo, puspusan ang paghahanda ng prosekusyon upang ganap na usigin si Gongdi sa mga krimen na war on drugs niya. Tuluyan siyang uusigin upang managot siya sa malawakan at maramihang pagpatay sa war on drugs niya. Nakahanda ang maraming ebidensiya na ihaharap kapag nag umpisa ang paglilitis sa Setyembre at susunod na mga buwan. Kasalukuyang inihahanda ng prosekusyon ang kahilingan na ibaling na sa ganap na paglilitis ang estado ng formal investigation. Ngayon pa lang naghahanda ang defense team ni Gongdi na hindi pa nabuo maliban kay Kaufman.
Ikaapat, kasalukuyang naglaho at nagtatago na si Bato. Alam ni Bato na siya ang susunod na uusigin at dadamputin. Hindi malaman kung nasaan siya. Maaaring isunod si Oscar Albayalde at Bong Go sa mga huhulihin. Si Bong Kunwari, relaks pero kabado iyan. Alam nila na kahit manalo sila ni Bato sa halalan, hindi sila makakaupo dahil sa mga sakdal na kanilang haharapin. Si Albayalde todo-tanggi pero hanggang doon lang siya. May mga opisyales ng PNP ang nabalitang babaliktad at magbibigay ng kanilang testimonya na kontra kay Gongdi.
Ikalima, tuloy tuloy ang impeachment trial ni Misfit Sara sa Hulyo. Hindi siya makakatulong ng ganap sa ama dahi magiging abala siya sa pagtatanggol sa sarili. Mahihirapan siyang pumunta sa The Hague at kausapin ang ama dahil mangunguyapit siya sa kanyang puwesto. Hindi namin alam kung hanggang saan si Misfit Sara. Hindi naming kilala ang ga taga-Davao City sa punyagi at tiyaga na ipagtanggol ang sarili.
***
MGA PILING SALITA: “May nabasa akong kalatas. Labis akong natawa sa pagiging mapanlikha (creative) ng sumulat. “Bobo si Baba,” aniya. Pinaglaruan.” – PL, netizen, kritiko
“Hindi ko pinagtiyagaan ang hearing sa Senado… Masyado ang negative vibes… Tiningnan ko na lang ang larawan ni Ms T. To save my sanity…” – PL, netizen