Advertisers
MALINAW pa sa sikat ng araw na ang agrikultura ay isa sa mga haligi ng ating ekonomiya. Ito ang bumubuhay sa milyun-milyong Pilipino, nagbibigay ng pagkain sa bawat hapag-kainan, at nagsisilbing pundasyon ng ating lipunan.
Kaya naman, ang anunsiyo ng Malacañang na maaaring direktang ibenta ng mga magsasaka ang kanilang palay sa National Food Authority (NFA) ay isang hakbang na nagbibigay ng pag-asa at lakas sa sektor ng agrikultura.
Matagal nang kinakaharap ng ating mga magsasaka ang problema ng mababang presyo ng palay.
Madalas silang nakakaranas ng pagsasamantala mula sa mga negosyante at trader na bumibili ng kanilang ani sa napakababang halaga.
Ngunit sa patakarang ito ng pamahalaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., magkakaroon sila ng pagkakataong makakuha ng mas magandang presyo para sa kanilang produkto, na maaaring makatulong sa kanilang kabuhayan at sa patuloy na produksiyon ng bigas sa bansa.
Ayon kay Presidential Communications (PCO) Undersecretary Claire Castro, walang katotohanan ang mga ulat na ang importasyon ng bigas ang dahilan ng pagbagsak ng presyo ng palay.
Sa halip, tinukoy niya na maaaring ang lokal na mga negosyante ang may kontrol sa presyo.
Isa pang suliranin ng mga magsasaka ay ang kakulangan ng transportasyon upang maihatid ang kanilang ani sa tamang pamilihan.
Sa puntong ito, sinabi ni Castro na iniulat din ng Department of Agriculture (DA) na gumagawa na sila ng mga hakbang upang matugunan ang problemang ito.
Kasalukuyang may bidding process daw para sa pagbili ng transport vehicles na magpapadali sa paghahatid ng palay sa NFA buying stations.
Kaya sa oras na magamit na ang mga ito, mas magiging madali para sa mga magsasaka ang direktang pagbebenta ng kanilang produkto sa gobyerno.
Masasabing hindi matatawaran ang kahalagahan ng agrikultura sa bansa. Ito ang pangunahing pinagkukunan natin ng pagkain at trabaho sa Pilipinas.
Sa pamamagitan ng pagsuporta sa ating mga magsasaka, hindi lamang natin tinutulungan ang kanilang pamumuhay kundi pinapalakas din natin ang ating seguridad sa pagkain.
Ang gobyerno naman, sa kabilang banda, ay may tungkulin namang tiyakin na ang NFA ay may sapat na pondo at kapasidad upang bilhin ang palay ng mga magsasaka sa makatarungang presyo.
At mahalaga ring bantayan ang mga negosyanteng maaaring magsamantala sa sistemang ito upang mapanatili ang layunin nitong tunay na makatulong sa mga magsasaka.
***
Catch Gilbert Perdez’s “Barangay 882” radio show every Saturday from 4:00 PM to 5:00 PM. Tune in via ALIW Channel 23, DWIZ AM Radio, DWIZ 882 Facebook page, or DWIZ ON-DEMAND on YouTube. You can contact him via email at gil.playwright@gmail.com or through this number: 0991-3543676.