Advertisers
APRUBADO na ni Department of Budget and Management (DBM) Sec. Amenah Pangandaman ang Budget Circular No. 2025-1 na nagtatakda ng mga alituntunin sa paggamit ng Government Purchase Card (GPC) para sa ilang government expenditures o gastusin ng pamahalaan.
Ginawa ni Pangandaman ang hakbang sa gitna ng patuloy na pagsusulong ng administrasyong Marcos sa digitalization ng mahahalagang proseso ng gobyerno.
Ang GPC ay isang alternatibong paraan ng pagbabayad para sa mga kalakal at serbisyo na naglalayong mapabilis ang procurement process sa pamamagitan ng pagbabawas ng cash advances at pagpapagaan ng mga gawaing administratibo sa accounting at procurement.
Katulad ng isang credit card, ayon sa DBM Chief, ang GPC ay magagamit lamang para sa mga itinakdang produkto o serbisyo, alinsunod sa buwanang limitasyon at sa mga aprubadong merchant.
Paliwanag naman ni Pangandaman, malaking tulong ang GPC sa pagpapabilis ng ilang transaksyon ng gobyerno, na bahagi ng kanilang pagsusumikap na gawing mas epektibo at mas transparent ang mga proseso gamit ang digitalization.
Samantala, saklaw naman ng circular ang lahat ng departamento, ahensya, at instrumentalities ng executive branch, kabilang ang mga State Universities and Colleges (SUCs) at mga Government-Owned or -Controlled Corporations (GOCCs) na hindi sakop ng Republic Act No. 10149, simula ngayong Fiscal Year (FY) 2025.
Nakasaad din dito ang mga itinakdang limitasyon at regulasyon upang matiyak ang tamang paggamit nito.
Sa ilalim ng bagong patakaran, binibigyang-laya rin ang mga ahensya na magtakda ng mas detalyadong panuntunan batay sa kanilang mandato at tungkulin, kasama rito ang mga probisyong nagtatakda ng mga responsibilidad ng mga cardholders, pati na rin ang mga sitwasyong maaaring magresulta sa pagsususpinde o pagbawi ng pribilehiyo ng paggamit ng GPC.
Ayon sa DBM, magiging epektibo agad ang circular matapos itong mailathala sa Official Gazette o sa isang pahayagang may general circulation. (Gilbert Perdez)