Advertisers

Advertisers

Bong Go, nakatutok sa imbestigasyon sa pagkamatay ng mga sanggol sa ospital

0 9

Advertisers

Mahigpit na nakatutok si Senator Christopher “Bong” Go, chairperson ng Senate committee on health, sa imbestigasyon sa pagkamatay ng mga sanggol sa magkahiwalay na ospital sa Bohol at Negros Occidental.

Ikinabahala ng senador ang mga posibleng lapses sa pangangalagang medikal sa mga nasabing insidente na humantong sa pagsisiyasat sa mga protocol sa ospital upang hindi na maulit ang mga katulad na kaso.

Nakiramay sa mga naapektuhang pamilya, idiniin ng senador na dapat magkaroon ng pananagutan sa mga insidente kasabay ng kanyang pagtiyak na lalo pang palalakasin ang healthcare system sa bansa.



“Mahalagang matiyak na maayos ang ating mga ospital at may sapat na suporta sa ating mga healthcare workers upang makapagbigay ng de-kalidad na serbisyo sa ating mga kababayan,” ani Go.

Sa Governor Celestino Gallares Memorial Medical Center sa Bohol na nasa ilalim ng Department of Health (DOH), isang 9-buwang gulang na babae ang tatlong beses na dinala rito sa pagitan ng Marso 3 at 5 dahil sa lagnat, pagsusuka, at pagtatae.

Gayunman, sinabi ng ina ng sanggol na si Maricel Igang, paulit-ulit ding pinauwi ang kanyang anak at hindi in-admit matapos bigyan lamang ng gamot at oral rehydration salts. Lumala ang kondisyon ng bata hanggang sa bawian ng buhay.

Tiniyak ng ospital sa publiko na nagsasagawa ito ng masusing pagsisiyasat upang matukoy kung nasunod ang tamang procedure sa pag-aasikaso sa sanggol.

Binigyang-diin ni Go na mahalagang marepaso ang mga patakaran ng ospital at matiyak na ang medical team ay may sapat na resources sa paghawak ng mga emergency.



Samantala, sa Negros Occidental, ilang medical practitioners ng Bago City Hospital ang nahaharap sa kasong administratibo kasunod ng pagkamatay ng isang bagong silang noong Pebrero.

Nakakita ang nilikhang fact-finding committee ng Bago City ng mga ebidensya na may lapses sa bahagi ng ospital. Ayon sa reklamo, ang ina ng sanggol ay 12-oras nag-labor at humiling ng isang cesarean section ngunit hindi nagawa sa wastong oras. Namatay ang sanggol habang nasa kritikal na kondisyon ang ina.

Ramdam ni Senator Go ang sakit para sa nagdadalamhating pamilya habang batid din ang mga hamong kinakaharap ng healthcare worker na nasa high-pressure situations.

“Hindi biro ang responsibilidad ng ating mga doktor at nurse, lalo na sa mga pampublikong ospital kung saan madalas kapos sa kagamitan at tauhan. Dapat nating tiyakin na may sapat silang suporta upang maiwasan ang ganitong mga insidente,” pagdidiin ni Go.