Advertisers
Nasawi ang isang tatay nang hatawin ng tubo ng sariling anak sa kasagsagan ng mainitang pagtatalo sa loob ng kanilang bahay sa Imus City.
Kinilala ang biktima na si Alfredo Blanco ng Golden Villas Subd., Brgy. Carsadang Bago 2, Imus City, Cavite, na namatay habang ginagamot sa Ospital ng Imus dahil sa tinamong sugat sa ulo.
Kaagad nadakip ng suspek at anak ng biktima na si alyas Diego dahil sa pagpatay sa sariling ama nito.
Nahaharap din sa kasong Obstruction of Justice si alyas Geofrielle na naaresto nang tinangka nitong harangin ang pag-aresto sa suspek.
Ayon sa isa pang anak ng biktima, 10:30 ng umaga, bago naganap ang insidente ay nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang biktima at kapatid nito sa loob ng kanilang bahay sa Block 15 Lot 9 Golden Villas Subd., Brgy. Carsadang Bago 2, ng nasabing lungsod
Sa kalagitnaan ng kanilang pagtatalo, kumuha ng patalim ang suspek at sinaksak ang ama subalit nakailag pero nakakita ng isang matigas na bagay ang anak at ipinukpok sa ulo sa kanyang ama na nagresulta sa pagkakatumba nito saka mabilis na tumakas.
Isinugod naman ang biktima sa ospital subali’t namatay din ito habang ginagamot habang ang suspek ay naaresto sa isang follow-up operation. (Irine Gascon)