Advertisers
IPINAHAYAG ng National Police Commission (Napolcom) nitong Miyerkules ng gabi na hindi na matunton ang kinaroroonan ng vlogger na pulis na nagbanta ng digmaan laban sa International Criminal Court (ICC) at Interpol.
Matatandaan na nag-post kamakailan si Patrolman Francis Steve Fontillas, kilala rin bilang “Fonts Stv Vlogs” sa kanyang Facebook account, na nakadirekta sa ICC at Interpol, na nagsabing magdadala siya ng digmaan laban sa kanila kapag sinubukan nilang “maglagay ng isang daliri sa ating Tatay Digong.”
“Sadly, he’s at large. Sa ngayon, nasa Facebook page niya at naghahamon. Wala siya ngayon sa Quezon City Police District (QCPD), ‘yung whereabouts niya sa ngayon pinaghahanap, at inuutusan siya ngayon ng QCPD director niya na mag-report sa kampo at inuutusan namin siya, bilang Napolcom, na mag-report sa QCPD,” pahayag ni Napolcom Commissioner Ralph Calinisan Serbisyo.
Ibinunyag din ng Napolcom na noong Pebrero, hiniling ng superior ni Fontillas sa health service ng QCPD na magsagawa ng mental health check kay Fontillas.
“Itong health service ng QCPD, nag-request sa regional office na baka kailangan ng mas malalim na examination sa mental health condition ni Fontillas. ‘Yun ang hindi sinisipot ni Fontillas. He refuses to be tested, to be examined by the medical [team] of the Philippine National Police (PNP),” pahayag pa ni Calinisan.
Sinabi ng Napolcom na nagsampa ito ng kasong ‘grave misconduct’ at ‘conduct unbecoming of a police officer’ laban kay Fontillas nang magsagawa ng sariling imbestigasyon sa usapin.
“Ganyan ba ang asal ng mga normal na pulis? Na magtatawag ka ng kaguluhan sa ating bayan… Gusto mong magkagulo at hahamunin mo kung sinong makabangga mo sa iyong opinyon? Hindi siya repleksiyon ng isang ideal na pulis,” dagdag pa Calinisan.
“Hindi ‘yun repleksiyon ng 225,000 na pulis na nakasuot ng uniporme. Hindi siya bagay na magsuot ng uniporme,” wika pa nito.
Sinabi rin ni Calinisan na hindi mahalaga kung off-duty si Fontillas nang mag-post siya ng mga bagay tulad ng pagiging off-duty ay hindi nangangahulugang hindi na siya pulis.
“Hindi naman porket ikaw ay off-duty, hindi ka na policeman. You are a policeman 24/7. Hangga’t mag-retire ka sa serbisyo, ikaw ay nasa serbisyo, ikaw pa rin ay pulis,” pahayag Calinisan.
Bukod sa mga kasong administratibo mula sa Napolcom, sinampahan din siya ng PNP ng kasong kriminal na “inciting to sedition” sa Quezon City Prosecutor’s Office.
Nang tanungin sa mga posibleng parusa na maaaring kaharapin ni Fontillas, sinabi ni Calinisan na ang pulis ay maaaring masuspinde, ma-demote, o matanggal nang buo ang kanyang badge.