Advertisers
IGINIIT ni Vice President Sara Duterte na isang ‘state kidnapping’ ang sapilitang pagpapadala sa kanyang ama na si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa The Hague sa Netherlands.
Ayon kay VP Duterte, ito’y dahil lamang sa mukhang matatalo ang kabilang partido sa sinasabing lakas ng vote straight sa mga kandidato ng kanilang partido.
Wala rin aniyang legal na basehan na ibigay ang dating pangulo sa International Criminal Court.
Matatandaang, naaresto si dating Pangulong Duterte batay sa in-isyung warrant ng ICC.
Sinabi din ng pangalawang pangulo na hindi naging tama ang ginawang proseso sa paghain ng arrest warrant sa kanyang ama at dapat sa korte sa Pilipinas ito dinala kung saan proseso ng bansa ang masusunod sa pagpapatupad ng nasabing warrant.
Sinabihan din ng bise presidente, ang kanyang ama na huwag tumanggap ng pagkain at tubig kahit kanino at kainin na lamang ang inihandang go bag na inihanda ng kanilang kampo.
Matatandaang hindi pinayagang makapasok ang bise presidente sa Villamor Air Base.
Nilinaw din ni VP Sara na hindi humiling ng asylum ang kanyang amang si dating pangulong Rodrigo Duterte sa Chinese government o nakipag-usap man lang sa mga opisyal ng China ng bumisita ito sa Hong Kong.
Mariing sinabi ni VP Sara na ‘politically motivated’ ang pagkakaaresto sa kanyang ama at lahat ng nangyayari ay may kaugnayan sa 2028 elections.
Wala na rin anyang dahilan para makipag-usap pa siya kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Kinuwestiyon din ng dating Pangulong Rodrigo Duterte ang legal ng basehan sa pagdala sa kanya sa Villamor Airbase mula sa Ninoy Aquino International Airport.
Ayon sa dating Pangulong Duterte, kung anong krimen at batas ang kanyang nilabag.
Paglabag din anya sa kalayaan ang pagdala sa kanya sa Villamor Airbase.
Pumalag din si Kitty Duterte sa ginawang pag-aresto sa kanyang ama.
Batay sa post ni Kitty, illegal detention at walang arrest warrant na inilabas ang mga otoridad.
Samantala giit naman ng dating Presidential Spokesperson Harry Roque na ang pag-aresto at agarang paglilipat kay dating Pangulo Duterte sa International Criminal Court (ICC) ay isang “kidnapping” at lantarang paglabag sa international legal standards at due process.
Si Roque ay kasalukuyang nasa The Hague upang tumulong sa depensa ni Duterte, ay nagbabala sa isang “government-orchestrated abduction.” Inakusahan niya sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., National Security Adviser Eduardo Año, Defense Secretary Gilbert Teodoro, at Interior Secretary Jonvic Remulla ng pagsasagawa ng isang extra-judicial transfer na labag sa batas.
Tinukoy ni Roque ang Article 59 ng Rome Statute, na malinaw na nagsasaad na ang sinumang akusado ng ICC ay dapat munang iharap sa isang competent judicial authority sa sariling bansa upang patunayan ang bisa ng arrest warrant, kilalanin ang pagkakakilanlan ng akusado, at tiyakin na hindi nilabag ang kanyang mga karapatang legal.
Inaresto si Duterte sa Ninoy Aquino International Airport Marso 11 matapos ang isang maikling biyahe sa Hong Kong at agad na inilipad patungo sa The Hague, Netherlands kungsaan isinuko siya sa ICC ilang oras lamang matapos siyang arestuhin.
Ang akusasyon ng isang government-led conspiracy ay unang inilantad ni Atty. Raul Lambino, na iginiit na ang pag-aresto kay Duterte ay isang coordinated effort na pinlano at isinagawa nina Marcos, Año, Teodoro, at Remulla.
Tinukoy ni Lambino ang mismong pag-amin ni Remulla na nagkaroon ng high-level discussions bago ang pag-aresto kay Duterte, diumano’y upang “assist Interpol” sa pagpapatupad ng ICC warrant.
Binatikos din ni Lambino ang administrasyon, sinasabing lumilikha ito ng seryosong constitutional at legal issues, lalo na’t opisyal nang umatras ang Pilipinas sa ICC noong 2019 sa ilalim mismo ng pamumuno ni Duterte.
Tutukan natin!
***
Kung may tanong, suhestiyon o komento ’wag mag-atubiling tumawag o mag-text sa numerong 0939-7177977 at 0936-8625001 o di kaya mag-email banderapilipino@yahoo.com/balyador69@gmail.com.