Advertisers
Nitong Marso 16, araw ng Linggo, ang aking pamangkin na si Brittany S. ay nagtungo sa NAIA Terminal 1 para umuwi na sa kanyang tirahan sa Seattle kasama ang kanyang asawang si Mikee.
Dakong 9 a.m. nang magpa-proseso sila sa counter ng Korean Air sa para sa kanilang 12:30 p.m. departure. Ang dalawa ay nakatakdang sumakay ng Korean Air flight KE-622, Sky Team Elite Plus. Ang flight ay may layover sa Seoul/ Incheon at mula doon ay tsaka sila tutuloy ng Estados Unidos.
So, dapat silang isyuhan ng dalawang boarding pass. Ang isa ay Manila to Korea at ang isa pa, dapat ay Korea to Seattle naman.
Ang siste, palpak ang nangyari. Ang inisyu sa kanyang boarding pass ng Korean Air counter ay parehong Manila to Korea.
Mabuti na lamang at nung papasok na ang aking mga pamangkin sa immigration area ay nag-double check ang lady guard ng Lanting Security Agency na si Jenny Rose Uton na naka-assign noon sa gate.
Nagtaka ang lady guard kung bakit pareho ang dalawang boarding pass na inisyu ng nasabing airline sa pasahero.
Dahil tiwala ang mga ito sa airline at nagmamadali dahil baka may pila sa loob ay hindi na tinignan ng mga nasabing pasahero ang mga inisyung boarding pass sa kanila.
Paano pala kung hindi na na-check mabuti ng lady guard ang mga boarding passes na inisyu sa aking mga pamangkin? Siguradong magkaka-problema pa sila pagdating sa airport ng Korea patungong Seattle.
Ang nangyari, kinailangan pang bumalik ng dalawang pasahero sa counter ng Korean Air para lang sabihin ang nadiskubre ng lady guard at ipa-correct ito.
Napaka-careless naman ng check- in counter ng Korean Air na naka-base dito sa Pilipinas. Napaka-simpleng bagay para pumalpak pa.
Buti na lang at magaling at matiyagang binusisi ni lady guard Uton ang mga dokumento ng aking mga pamangkin. Congratulations sa Manila International Airport Authority (MIAA) na pinamumunuan ni General Manager Eric Ines sa pagkakaroon ng magagaling na guards gaya ni Uton.
Ni hindi pa humuhupa ang isyu ng panibago umanong ‘tanim-bala’ sa NAIA, heto at nagpakita naman ng malaking kapalpakan ang Korean Air.
Pilit na binubura ng grupo ni RSA (Ramon S. Ang) ang bansag na ‘worst airport’ sa NAIA pero heto at dumagdag pa ang Korean Air sa ‘tanim-bala’ isyu.
Napag-usapan na rin lang ang lady guard, isa pang babaeng guwardiya ang kapuri-puri sa ipinakitang katapatan sa serbisyo, nang magsauli ng nakitang handbag na naglalaman ng cash at valuables sa Laoag International Airport (LIA) nitong March 19, 2025.
Iniulat ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) na ang handbag ay naglalaman ng P146,348 na cash ay natagpuan at isinauli ni lady guard Rhea Taysa ng LIA sa CAAP Security and Intelligence Service (CSIS) para sa verification at safekeeping.
Labis ang pasasalamat ng may-ari na isang 79-anyos na babaeng US national.
Ayusin naman sana ng Korean Air ang mga tumatao sa kanilang check-in counter. Nakakasira sila sa imahe ng bansa dahil mga Pilipino ang me hawak niyan. Ang tanong: Ilan pa ang kagaya ng mga pamangkin ko na biktima ng mga kapalpakan na ganyan ng Korean Air?
***
Maaring mag-text o tumawag sa 0917-5225128 para sa anumang reaksyon.