Advertisers
Bagama’t inirerespeto, nagpahayag ng sentimyento si Senator Christopher “Bong” Go sa pagdinig ng Senate committee on foreign relations tungkol sa pagpapaaresto ng gobyerno kay dating Pangulong Rodrigo Duterte na ngayo’y nasa kustodiya na ng International Criminal Court (ICC) sa The Hague Netherlands.
Habang iginagalang ang inisyatiba ng Senado, may pag-aalinlangan si Go tungkol sa potensyal na epekto nito sa nasabing isyu.
“Tungkol d’yan sa hearing tomorrow, I respect the initiative of Senator Imee Marcos to hold the Senate inquiry. Karapatan naman n’ya ‘yan bilang chairperson po ng foreign relations,” ani Go.
“At ako bilang miyembro, sinasabi ko lang din po ang aking mga hinanakit na parang too late na po eh. ‘Yan ang tinatawag na too late the hero na po. Maibabalik mo ba si Tatay Digong dito? Kung maibabalik mo kahit araw-araw tayo mag-hearing,” idiniin ni Go.
Sinimulan na kahapon ang pagdinig—sa pamumuno ni Senator Imee Marcos—na naglalayong suriin ang legalidad ng pag-aresto kay Duterte, na kung sinunod ang angkop na proseso at kung ang mga batas ng Pilipinas ay nilabag sa proseso.
Binigyang-diin ni Marcos ang pangangailangang linawin ang lawak ng pakikipagtulungan ng gobyerno ng Pilipinas sa mga internasyonal na ahensyang nagpapatupad ng batas.
Sa kanyang bahagi, kinilala ni Go na ang mga ligal na katanungan na may kinalaman sa pag-aresto kay Duterte ay maaari pa ring talakayin.
“Maybe, pag-usapan ano ‘yung mga batas na nalabag sa paghuli sa kanya. ‘Yon, maaring pag-usapan,” ani Go.
“But, too late the hero na po. Tapos na. Maibabalik n’yo pa ba si Tatay Digong dito?”
Gayunpaman, muling pinagtibay ni Go ang kanyang pangako na susuportahan ang pamilya ni Duterte at ipagpapatuloy ang adbokasiya ng dating Pangulo para sa serbisyo publiko. Habang patungo ang bansa sa panibagong panahon ng halalan, binigyang-diin ng senador na nananatili siyang matatag sa misyon nito.