Advertisers

Advertisers

4 katao nanutok ng baril at nang-agaw ng motorsiklo timbog

0 61

Advertisers

Arestado ang apat na suspek sa panunutok ng baril at pagtangay ng motorsiklo ng isang lalaki, Miyerkules ng hapon.

Kinilala ni PCol. Nixon M. Cayaban, hepe ng Valenzuela police ang apat na suspek na sina alyas ‘Mac’, 30, residente ng Caloocan City; alyas “Tat”, 21, ng Disiplina Village, Barangay Bignay; alyas “Gab”, 49, at alyas “Leo”, 47, kapwa residente ng Barangay Veinte Reales, Valenzuela City.

Kinilala naman ang biktima na si alyas “Jan”, 22, estudyante, residente ng Barangay Maysan ng lungsod.



Ayon sa biktima, 4:32 ng hapon sa Barangay Parada, napansin niyang sinusundan siya ng apat na suspek sakay ng dalawang motorsiklo nang bumaba ang isa, tinutukan siya ng baril at inagaw ang kanyang motorsiklo. Nagkataong dumadaan ang nagpapatrolyang mga pulis ng substation-1 sa lugar kaya’t mabilis na nakapagsumbong ang biktima at ini-‘report’ ng pulisya sa Valenzuela Station Tactical Operation Center (STOC) ang pangyayari at ‘niradyuhan’ ang kapulisan para sa pagsasagawa ng ‘dragnet operation .

Habang nagsasagawa naman ng ‘Oplan Sita’ sa Snake Road, Barangay Lingunan ang kapulisan, narinig nila ang report sa nasabing insidente at inabangan ang pagdaan ng mga suspek.

Ilang minuto lamang, namataan ng pulisya ang mga inilarawang motorsiklo na sakay ang mga suspek.

Walang maiprisintang mga papeles ang mga suspek na nagtangka pang tumakas ang huli kaya dito na sila inaresto.

Narekober kay Mac ang isang caliber .38 na may limang bala, at nakuha din sa suspek ang apat na plastic sachet ng shabu.



Narekober naman kina Gab at Leo ang dalawang plastic sachet ng shabu na tumitimbang ng 3.82 gramo.

Nang iniharap ang mga suspek sa biktima, positibo silang kinilala ng huli pati na ang tinangay na motorsiklo.

Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa R.A. 10883 (New Anti-Carnapping Act of 2016, Article 151 of Revised Penal Code (Resistance and Disobedience to a Person in Authority or Their Agents), R.A. 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Act Act) in relation to B.P. 881 (Omnibus Election Code) at Section 11 of R.A. 9165 (Possession of Dangerous Drugs Act).(Beth Samson)