Advertisers
SINAMPAHAN ng kaso ng Department of Justice (DOJ) ang isang guro dahil sa pang-aabuso at pagsasamantala sa dalawang menor de edad na estudyante.
Batay sa isang pahayag na inilabas nitong Miyerkules, sinabi ng DOJ na isinampa ang mga kasong paglabag sa Online Sexual Exploitation of Children at Lascivious Conduct alinsunod sa Republic Act Nos. 11930 at 7610, Republic Act No. 9775 (Anti-Child Pornography Act of 2009), kaugnay ng Republic Act No. 10175, at ang Revised Penal Code laban kay Leoncio Benigno Thiem Tolentino sa Tarlac Regional Trial Court.
Naging subject si Tolentino ng isang referral na ipinadala ng National Center for Missing and Exploited Children, isang nonprofit na organisasyon na nakabase sa Estados Unidos na nag-iimbestiga ng mga insidente ng pang-aabuso at pagsasamantala sa bata, sa Philippine National Police Women and Children Protection Center (WCPC).
Batay sa ulat, nakakuha ang mga awtoridad ng impormasyon tungkol sa mga aktibidad at detalye ng suspek na nagresulta sa kanyang pag-aresto.
Ipinunto ng DOJ na ang mga biktima, 13-taon gulang at 6-taon gulang nang mangyari ang insidente, at ginamit ni Tolentino ang kanyang katungkulan upang manipulahin at pagsamanalahan ang mga ito.
Ayon sa DOJ panel of prosecutors na pinangunahan ni Deputy State Prosecutor Olivia Laroza-Torrevillas at Prosecution Attorney Criselda Teoxon-Yanga, sa ilalim ng pamamahala ni Prosecutor General Richard Anthony Fadullon, may ‘prima facie evidence with reasonable certainty of conviction’ upang ideklarang nagkasala ang guro.