Advertisers
INARESTO ang 25-anyos na ginang nang patayin sa sakal ang sariling anak na babae na apat na taon gulang sa Cagayan de Oro City.
Sa ulat, idineklarang dead on arrival sa ospital ang bata nang isugod doon ng kaniyang mga kaanak.
Unang sinabi ng salarin sa mga duktor na nadulas sa banyo ang bata. Pero nagduda ang mga duktor dahil walang pinsalang tinamo ang biktima na katulad ng mga nadudulas.
Ayon sa Women and Children Protection Desk (WCPD) ng Puerto Police Station, inamin kinalaunan ng ina na sinakal niya ang kaniyang anak.
Sinabi ng tiyahin ng biktima na posibleng napahamak din ang isa pang anak ng salarin na isang-taon gulang kung hindi kaagad nakita ang bata.
Nang makapanayam sa piitan, sinabi ng ginang na napagbalingan niya ng galit ang anak dahil ilang araw na niyang hindi nakakausap ang kaniyang asawa na nasa Cebu City.
Pinagsisisihan aniya ang kaniyang nagawa sa anak dahil nawala siya sa kaniyang pag-iisip.
Mahaharap ang ginang sa kasong parricide at paglabag sa Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination (RA 7610).