Advertisers
NASAWI ang isang dating barangay chairwoman nang pagbabarilin, habang sugatan ang isang binata nang tamaan ng stray bullet sa Calatrava, Negros Occidental.
Kinilala ang biktima na si Amalia Dayanan, 64 anyos, dating kapitan ng Barangay Macasilao, Calatrava.
Nilapatan naman ng lunas sa ospital ang 19-anyos na binata nang tamaan ng ligaw na bala ng baril sa balikat.
Batay sa report ng Calatrava Municipal Police Station, 8:00 ng umaga, Marso 18, 2025, naganap ang krimen sa loob ng pampasaherong jeep sa Barangay Patun-an, ng nasabing bayan.
Ayon kay Police Lt. Col. Wilfredo Benoman Jr., hepe ng Calatrava MPS, sakay ng pampasaherong jeep ang biktima patungong San Carlos City, Negros Occidental.
Bigla na lamang sumulpot ang dalawang armadong kalalakihan at pinagbabaril ang biktima sa ulo, sanhi ng agaran nitong kamatayan.
Natamaan ang isang binata na katabi ni Dayanan na ngayon ay nagpapagaling sa ospital.
Matapos ang pamamaril, mabilis na tumakas ang mga salarin. Nakapulot ang mga pulis sa lugar ng pinangyarihan ng 2 basyo ng 9mm na baril.
Sinabi ni Benoman na naging Barangay chairwoman si Dayanan mula 2007 hanggang 2010.
Inaalam na ng mga otoridad kung may kinalaman sa away-lupa ang motibo sa krimen dahil mayroon ilang lupang pag-aari ang biktima kabilang isang plantasyon ng tubo.