Advertisers
SARIWA pa sa isip ng Ilonggo runner na si Ritchie Estampador na naging bahagi ng kanyang buhay- karipasan ang paanan ng mahalinang Mt.Kanlaon( isang aktibong bulkan na andesitic at strato)na naging ruta ng kanyang ensayo sa pagtakbo noong siya ay isang junior division runner pa lamang.
Ang kanyang sinilangang bayan ng La Castellana sa Negros Occidental ay naging lunduyan ng kanyang maagang karera sa konkretong kalsada sa ibaba ng bundok kasabayan ang mga running enthusiasts sa kanyang balwarte.
Pero iyon ay ilang taon na rin ang nakaraan.
Sa mga kalsada na ng Kamaynilaan nag- sanay ang graduating ng Bachelor of Science in Physical Education( BSPE) sa Mapua University na si Estampador bago lumahok sa malalaking running events partikular ang yugto sa Maynila ng National MILO Marathon higit dalawang linggo na ang nakaraan.
Ang paanan ng bundok Kanlaon ngayon ay hindi na tulad ng dati dahil sa pagsabog nito noong Disyembre 9,2024 at hanggang sa kasalukuyan ay patuloy pa ang pag-alburuto.
Sa pagputok ng starting gun na hudyat ng takbuhang kumpetetibo sa 21k kasunod ng 10k at 5k runs;fun and fitness runners( kapamilya, katropa; kamag-aral, kaopisina pati sa mga higit 100 PWD’s na may special short run event para sa hanay nila) sa Manila leg ng NMM25, ay kumaripas ng todo si Estampador na mistulang ayaw maabutan ng bugang asupre sa danger zone ng Kanlaon at wala nang lingon- likod tungo sa pag-kampeon sa 21k male division na qualifying para sa national finals sa Disyembre ng taon.
Masaya si Ritche sa kanyang panalo pero may halong pangamba dahil ang kanyang pamilya ay apektado ng krisis sa La Castellana.
“Masaya po ako sa panalo.May lungkot din kasi inaalala ko ang aking mahal sa buhay sa Negros kaya bahagi po ng aking premyo ay ipapadala ko sa kanila para me magamit sila sa panahon ng krisis sa amin”,wika ng 23 -anyos na si Estampador.
Wish niya na bumalik na sa normal ang bulkan upang maging lunduyan niya muli ng ensayo lalo pa’t graduate na siya sa panahon ng kanyang paghahanda para sa national finals kasabayan muli ang tropang Kanlaon footracers.
Nagreyna naman sa 21k female division ang beteranang long distance runner na si Maricar Camacho.
Ang 37 anyos na pride ng Cavite ay qualified na rin sa ika-25 pampinaleng yugto ng NMM25 sa pagtatapos ng taon.
Ang naturang tagumpay ng Manila leg sa MoA Grounds ay taos na ikinagalak ni MILO Head of Sports Carlo Sampan.”MILO remains steadfast in it’s mission to make sports accessible, inclusive and impactful through NMM25 and other sports,” wika ni Sampan.” To our young athletes,dream high and achieve more! (Danny Simon)