Advertisers
IGINIIT ng Malakanyang na hindi maaaring ipataw o i-apply ang sub judice rule maliban na lamang kung mismong ang International Criminal Court (ICC) ang magsabi na may nangyaring paglabag.
Ginawa ni Presidential Communications Office (PCO) Usec. Claire Castro ang pahayag sa gitna ng kaliwa’t kanang diskurso hinggil sa kaso ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa ICC, kung saan lumitaw ang usapin kung may paglabag sa sub judice rule dahil sa mga pahayag ng iba’t ibang abugado, legal experts, at maging ng kampo ng dating Presidente.
Subalit, ayon kay Castro, ang kapangyarihan upang ipatupad ito ay nasa hurisdiksyon lamang ng ICC kung saan nakabinbin ang kaso.
Aniya, ang ICC lang ang puwedeng magreklamo at magbigay ng order na huwag pag-usapan ang nasabing kaso.
Ang sub judice rule ay isang prinsipyo sa batas na nagbabawal sa mga pampublikong pahayag na maaaring makaapekto sa isang kasong nakabinbin pa sa korte. (Gilbert Perdez)