Advertisers

Advertisers

Giit ni Roque sa pag-aresto kay Duterte…“KIDNAPPING ITO!”

0 34

Advertisers

IGINIIT ni dating Presidential Spokesman Harry Roque na ang pag-aresto at agarang paglilipat kay dating Pangulo Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC) ay isang “kidnapping” at lantarang paglabag sa international legal standards at due process.

Si Roque, kasalukuyang nasa The Hague upang tumulong sa depensa ni Duterte, ay nagbabala sa isang “government-orchestrated abduction.” Inakusahan niya sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., National Security Adviser Eduardo Año, Defense Secretary Gilbert Teodoro, at Interior Secretary Jonvic Remulla ng pagsasagawa ng isang extra-judicial transfer na labag sa batas.

Tinukoy ni Roque ang Article 59 ng Rome Statute, na malinaw na nagsasaad na ang sinumang akusado ng ICC ay dapat munang iharap sa isang competent judicial authority sa sariling bansa upang patunayan ang bisa ng arrest warrant, kilalanin ang pagkakakilanlan ng akusado, at tiyakin na hindi nilabag ang kanyang mga karapatang legal.



“Kidnapping ito!,” madiing pahayag ni Roque.

“Ayon sa Rome Statute, dapat dinala muna si Duterte sa isang local court upang tiyakin ang legalidad ng kanyang pagsuko. Sa halip, isang lihim na operasyon ang isinagawa na bumalewala sa kanyang karapatang dumaan sa due process.”

Inaresto si Duterte sa Ninoy Aquino International Airport Marso 11 matapos ang isang maikling biyahe sa Hong Kong at agad na inilipad patungo sa The Hague, Netherlands kungsaan isinuko siya sa ICC ilang oras lamang matapos siyang arestuhin.

Ang akusasyon ng isang government-led conspiracy ay unang inilantad ni Atty. Raul Lambino, na iginiit na ang pag-aresto kay Duterte ay isang coordinated effort na pinlano at isinagawa nina Marcos, Año, Teodoro, at Remulla.

Tinukoy ni Lambino ang mismong pag-amin ni Remulla na nagkaroon ng high-level discussions bago ang pag-aresto kay Duterte, diumano’y upang “assist Interpol” sa pagpapatupad ng ICC warrant.



Binatikos din ni Lambino ang administrasyon, sinasabing lumilikha ito ng seryosong constitutional at legal issues, lalo na’t opisyal nang umatras ang Pilipinas sa ICC noong 2019 sa ilalim mismo ng pamumuno ni Duterte.

Dahil sa lumalaking kontrobersiya, agad na inatasan ni Senador Imee Marcos—na kilalang kaalyado ni Bise Presidente Sara Duterte—ang Senate Committee on Foreign Relations na imbestigahan ang legalidad ng pag-aresto at paglilipat kay Duterte.

Inanyayahan ni Marcos ang mga opisyal mula sa Philippine National Police (PNP), Department of Justice (DOJ), National Security Council (NSC), at Office for Transportation Security (OTS) upang tumestigo sa Senate hearing na itinakda sa Huwebes.

Habang patuloy na lumalaki ang isyu, malinaw na ang laban sa pagitan ng administrasyong Marcos at ng mga kaalyado ni Duterte ay nag-iinit. Ang Senado ngayon ay nasa gitna ng pagtukoy kung ang pag-aresto sa dating pangulo ay isang lehitimong hakbang ng batas—o isang planadong pagdukot na may basbas ng estado.