Advertisers

Advertisers

LAGLAGAN SA DUTERTE CAMP INTRIGA, PANINIRA LANG – SEN. GO

0 15

Advertisers

Kinastigo ni Senator Christopher “Bong” Go ang mga intrigang nagkakaroon ng “laglagan” sa kampo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa pagsasabing ito ay bahagi lamang ng paninira para wasakin at paghiwa-hiwalayin ang kanilang hanay.

Sa kanyang pakikiisa sa mga tagasuporta ng dating Pangulo na nagtitipon para sa panalangin na “Bring PRRD Home” sa Liwasang Bonifacio noong Marso 15, sinabi ng matagal nang aide ni Duterte na ang akusasyong tinalikuran niya ang kanyang political mentor ay bahagi lamang ng paninira para pagwatak-watakin ang kanilang hanay na hindi kailanman mangyayari.

“Mga kababayan ko, alam n’yo ngayon, ang daming naninira sa amin. Sinasabi na kami ay naglalaglagan, mga ganun. Alam n’yo, ‘wag kayong maniwala sa mga ‘yan. ‘Yan ang tinatawag na gusto nila kami hilain pababa. Gusto nila kaming sirain,” ang emosyonal na sabi ng senador.



Imbes na pansinin ang pagtatangkang wasakin ang mga tagasuporta ni PRRD, sinabi ni Go na ito ang panahong kailangang magkaisa ang mga Pilipino para kay Tatay Digong.

Kasama na ni Duterte simula 1998, muling idiniin ni Go na hindi matitinag ang kanyang katapatan sa dating Pangulo, sa pagsasabing ang kanilang pagsasama ay hindi lamang pampulitika bagkus ay mas malalim sa personal.

Naalala niya kung paano naging ama sa kanya si PRRD sa paghubog sa kanyang buhay at prinsipyo.

“Buklatin man ang katawan ko, Duterte po ako. Halos wala po akong panahon sa anak ko. Wala akong panahon sa tatay ko. Tatay Digong na po naging tatay ko. From 1998 hanggang 2022. Dalawampu’t apat na taon ‘yan. Araw-araw kami magkasama. At sinabi ko sa kanya, Tatay Digong, hanggang kamatayan mo, hindi kita pababayaan,” deklara ni Senator Go.

Naging emosyonal si Senator Bong Go sa pagdalo sa mga pagtitipon para sa pagdarasal kay dating Pangulong Duterte, kung saan sa isang rally sa Davao City ay kasama niya ang anak ni PRRD na si Mayor Baste. Libu-libong Duterte loyalist ang nagmamartsa sa iba’t ibang lugar sa Pilipinas at ibang bansa upang isigaw ang pagpapalaya sa ikinulong na lider.



At sa gitna ng ingay sa pulitika, nagpahayag ng matinding pag-aalala si Senador Go sa kalagayan ni Duterte dahil siya ang palaging nagtitiyak na ang dating Pangulo ay nakaiinom ng kanyang mga medisina.

Ngayong nakakulong si Duterte, nag-aalala si Go kung sino ngayon ang nag-aalaga at nagbibigay ng mga pangangailangang-medikal ni Tatay Digong.

Binatikos ni Go ang mga responsable sa pag-aresto kay Duterte sa pagsasabing ninakawan nila ng isang ama ang maraming Pilipino.

“Sa mga nagpakulong sa kanya, makonsensya kayo. Nakakatulog pa ba kayo? Para n’yo kaming kinuhanan ng ama,” idiniin ng senador.

Nanawagan si Go sa bansa na ipagdasal si dating Pangulong Duterte, hindi lamang dahil sa legal nitong laban sa International Criminal Court (ICC) kundi maging ang kanyang kalusugan na mabilis na humihina.

Humugos sa nasabing prayer gathering ang libu-libong tagasuporta ni Duterte, kasama ang mga lider mula sa iba’t ibang relihiyon para ipagdasal ang ligtas na pagbabalik ng dating chief executive.

Habang umaalingawngaw sa buong Liwasang Bonifacio ang mga pag-awit ng “Bring PRRD Home”, tiniyak ni Go sa mga tagasuporta na mananatili siyang matatag sa pakikipaglaban para sa pagpapalaya kay Duterte, kasabay ng pangangakong paninindigan ang dating Pangulo hanggang sa huli.