Marcos at Matataas na Opisyal, Mahaharap sa Kaso Dahil sa ‘Grand Conspiracy’ sa Pagdukot kay Duterte
Advertisers
Maaaring humarap sa kasong kriminal sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., National Security Adviser Eduardo Año, Defense Secretary Gilbert Teodoro, at DILG Secretary Jonvic Remulla matapos ibunyag mismo ni Remulla ang kanilang direktang partisipasyon sa isang operasyong suportado ng gobyerno upang dukutin at ipatapon sa ibang bansa si dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte (PRRD).
Ayon kay Atty. Raul Lambino, ito ay isang “grand conspiracy” kung saan sangkot mismo si Marcos Jr. at kanyang mga gabinete sa isang ilegal at planadong operasyon upang sapilitang alisin si Duterte sa bansa. Iginiit ni Lambino na mismong mga pahayag ni Remulla ang nagpatunay na may sabwatan sa likod ng isang kriminal na hakbang na maituturing na kidnapping, isang mabigat na kasong may kaukulang parusa sa ilalim ng batas ng Pilipinas.
“Ito ay grand conspiracy—government-sponsored kidnapping ang ginawa nila. At presidente at mga cabinet members ang nagplano nito, at mismong si Jonvic umamin dyan,” pahayag ni Lambino sa isang panayam sa radyo.
Ayon kay Lambino, binasag ng pahayag ni Remulla ang naunang pagtanggi ni Marcos Jr., patunay na matagal nang pinagplanuhan ang pagdukot kay Duterte.
“Maliwanag na maliwanag yung kanilang sinasabi. Si BBM, sabi niya na wala siyang alam at na hindi siya nag-cooperate, yun pala pinlano na nila nang matagal ‘to at talagang gagawin nila ang lahat na mawala sa Pilipinas si PRRD.”
Binigyang-diin ni Lambino na ang mga pahayag ni Remulla ay maituturing na ebidensya ng isang kriminal na sabwatan na maaaring gamitin sa korte upang pormal na kasuhan sina Marcos, Año, Teodoro, at Remulla.
“Admission yan ng participants, ng mastermind na sila’y talagang gumawa ng kidnapping. Maliwanag ‘yan, maliwanag yung kanilang pagsabwatan.”
Sa ilalim ng batas ng Pilipinas, ang sabwatan upang isagawa ang kidnapping ay isang mabigat na krimen na may kaakibat na habambuhay na pagkakakulong kung mapapatunayan sa hukuman.
Dagdag pa ni Lambino, ginagamit ng administrasyong Marcos ang sistema ng hustisya bilang sandata laban kay Duterte at sa kanyang mga kaalyado sa halip na bigyan sila ng makatarungang proseso.
“Basta ang kanilang plano diyan, hulihin at ibato kaagad tapos tapon doon sa Netherlands.”
Nagbabala rin siya na hindi lang si Duterte ang target ng sabwatan, kundi pati ang kanyang pamilya, mga kaalyadong pulitiko, at tagasuporta.
“Kaya nga tayo nagkakaroon ng mga prayer rally para maipaliwanag itong mga sabwatan na talagang tatapusin nila si Tatay Digong. At hindi lang si PRRD, lahat ng mga Duterte at mga kaalyado ng mga Duterte ay tatapusin nila na walang maiiwan.”
Mas nakababahala pa, ayon kay Lambino, tila naghahanda ang administrasyong Marcos Jr. para sa isang mas malupit at mas mapanupil na Martial Law kaysa noong ipinatupad ng yumaong Pangulong Ferdinand Marcos Sr.
“Mas malupit itong mga ‘to kesa noong sa nakaraang Martial Law ng dating Marcos.”
Dahil sa paglalantad mismo ni Remulla, inaasahang pag-aaralan ng mga legal na eksperto ang mga implikasyon ng kanyang pahayag. Posible rin ang panawagan para sa pormal na imbestigasyon at pagsasampa ng kaso laban sa pangulong Marcos Jr. at kanyang mga opisyal sa Gabinete.
Kapag umusad ang mga kasong ito, maaaring humarap ang kasalukuyang administrasyon sa isang malawakang krisis pampulitika at ligal na maglalagay sa pinakamataas na opisyal ng gobyerno sa alanganin ng pananagutan sa batas.