Advertisers
MAY tanong: Sa panahong ito, may mga malinis pa ba?
Meron bang isa riyan na maaaring umangkin at ipagmalaki na wala akong dungis.
Wala akong dumi sa mukha.
Sabi nga ng mga nakatatanda noon: Humarap na muna tayo sa salamin at tingnan baka tayo ay may dungis sa mukha, bago natin sabihan o kutyain ang ating kapwa na siya ay may dungis.
Bakit ko ito nasasabi dear readers?
Marami sa mga kapatid natin sa hanapbuhay ay kung ipagmalaki ang sarili ay para bang sila ay maputing-maputi sa kalinisan at walang kahit konting mantsa sa propesyon at maging sa mismong pagkatao nila.
Tinatawag nila ang iba na marumi, masama at hindi dapat na pakisamahan.
Kung makapag-alipusta sa kapwa nila mamamahayag, parang sila ay santo at larawan ng kabanalan.
Gayon nga ba sila?
Ang ilang mapang-alipusta ay ano ang pagkatao nila?
Sila ay kaibigan ng ilang mga ilegalista.
Ngayon, namamayagpag sila at nagmamalaki na “kaya nila kayong lahat!
Bakit natin ito kailangang isulat: Sobra na kasi ang kanilang panghahamak na, kulang na lang duraan sa mukha ang kapwa nila.
Hindi po natin sila pinakikialaman kung paano nila nais patakbuhin ang kanilang mga buhay.
Hindi rin natin sila pinakikialaman sa kinikita nilang P13 million a month sa isang ahensya ng gobyerno.
Hindi rin naman sila kinikibo o sinisiraan.
Panghuli: Hindi magiging hadlang ang kapwa nyo sa inyong gawain o paraan ng paghahanapbuhay.
Kayo ay malaya na gawin ang inyong nais, piryud!
***
Ngayong buwan ng Marso ay ‘Fire Prevention Month’, at ang buwan ng Marso ay Buwan ng Pag-iingat sa Sunog at maraming siyudad at bayan ay nakikipag-ugnayan sa Bureau of Fire Protection (BFP) para sa mga programa ng fire safety.
Sa Las Piñas, sinabi ni Carlo Aguilar, na matagal nang may adbokasiya ng fire safety at ngayon ay tumatakbong mayor ng Las Piñas, na ang Fire Prevention Month ay dapat ipagdiwang hindi lamang kung buwan ng Marso kundi sa buong taon.
“Ang pag-iwas sa sunog ay hindi dapat gawin tuwing buwan lamang ng Marso. Ang pagiging ligtas sa sunog at mga natural disasters tulad ng lindol ay dapat isaisip ng lahat ng mga kabataan at matatanda sa Las Piñas sa buong taon,” sabi ni Aguilar.
Ang panawagan ni Carlo Aguilar para sa higit na makamalayan tungkol sa fire safety sa Las Piñas ay kanyang ginawa matapos ang isang sunog sa residential area ng Barangay Pulang Lupa noong Pebrero 27, na nakarating sa ikalawang alarma.
Isa pa ring insidente ng sunog ang naiulat sa isang madamong lugar sa Talon Tres, na mabilis namang naapula ang apoy dahil sa pagtutulungan ng mga bumbero ng lungsod, kabilang na ang sa Pamplona Tres.
Hindi lamang sa salita ang adbokasiya ni Aguilar tungkol sa pag-iwas sa sunog. Bilang isang pribadong mamamayan at entrepreneur, nagbigay siya ng donasyong apat na fire trucks sa Las Piñas, kabilang na ang kauna-unahang ladder fire truck ng lungsod, na nakatulong nang malaki sa fire department nito.
Ipinangako ni Carlo Aguilar na kapag pinalad na maging mayor, mahigpit niyang ipatutupad ang lahat ng mga batas at ordinansa sa pag-iwas sa sunog na nasa Fire Code ng bansa. Ang mga gusaling komersiyal na kailangan may sapat na exit signages, water sprinklers, early fire alarm system, at iba pang mga panligtas sa buhay.
“Dapat nating seryosuhin ang fire prevention, hindi lamang upang proteksiyunan ang ari-arian kundi iligtas din ang buhay ng tao. Kung nais natin ang higit na ligtas na Las Piñas, dapat tayong maging proactive, hindi reactive,” ang diin ni Aguilar.
Sa pamamagitan ng kanyang subok nang pagsusulong ng fire prevention sa pamamagitan ng kanyang kontribusyon sa mga kagamitan ng mga bumbero, naglalayon si Aguilar na palakasin ang disaster preparedness ng lungsod at gawin itong higit na ligtas na lugar para sa mga residente.
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe lang sa bampurisima@yahoo.com.