Advertisers
Sugatan ang apat na mga sundalo nang sumabog ang granada sa isang roadside detachment sa Barangay Madia sa Datu Saudi Ampatuan, Maguindanao, Sabado ng gabi, March 15, 2025.
Kinondena ng 6th Infantry Division ang insidente na nagsanhi ng pagkagulat at takot sa mga residente ng Madia sa Datu Saudi Ampatuan na kilala ang mga barangay leaders at mga municipal officials sa kanilang masigasig na suporta sa magkatuwang na pagsisikap ng mga units ng 6th ID at Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region na tuluyan ng mabuwag ang ngayon maliit na lang na natitirang mga pangkat ng Dawlah Islamiya at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) sa Central Mindanao.
Sa inisyal na ulat ng mga imbestigador ng Datu Saudi Ampatuan Municipal Police Station at ng 6th ID, agad na naisugod sa hospital ang apat na sundalong nagtamo ng mga shrapnel wounds sa iba’t-ibang parte ng kanilang mga katawan upang malapatan ng kaukulang lunas.Tatlo sa 16 na mga kasapi ng Dawlah Islamiya at BIFF na sumuko sa mga local executives at mga opisyal ng 6th Infantry Battalion at ng 601st Infantry Brigade nitong Biyernes, March 14, 2025 sa Barangay Buayan sa Datu Piang, Maguindanao del Sur at sina Halim Mohammad Samsudin, Muktar Edris Musin at Elih Omar Odin ang nagbigay ng babala hinggil sa plano ang kanilang ilang natitirang mga kasama na tutol sa kanilang pag-surrender na magsagawa ng karahasan upang kunwari maipakitang malakas pa rin ang dalawang teroristang grupo na mahigit 500 na na mga miyembro ang tumiwalag, mula 2019, at nangako ng katapatan sa pamahalaan.
Unang sumuko nitong Martes, March 11, 2025, sa 90th Infantry Battalion sa Barangay Kabengi sa Datu Saudi Ampatuan, hindi kalayuan sa Barangay Madia kung saan naganap ang grenade attack, ang limang terorista sa pakiusap ng municipal officials ng Datu Saudi Ampatuan at ng battalion commander ng 90th IB.
Nasa magkatuwang na pangangalaga ang limang mga sumukong mga terorista na ng 90th IB at ng local officials na magkatuwang sa pagpapabalik sa kanila sa local communities upang makapamuhay na ng mapayapa.
Nagtutulungan ang pulisya, ang mga intelligence units ng 6th ID at mga barangay officials sa Datu Saudi Ampatuan sa pagkilala sa mga responsible sa pagpapasabog sa Madia Army detachment, na nagsanhi sa pagkakasugat ng apat na sundalo, upang masampahan agad ng kaukulang mga kaso. (Mark Obleada)