TRABAHO Partylist, nanawagan ng mas mataas na sahod at kundisyon sa trabaho para sa mga bumbero ngayong Fire Prevention Month
Advertisers
Sa paggunita ng Fire Prevention Month ngayong Marso, nanawagan ang TRABAHO Partylist para sa mas maayos na kondisyon ng pagtatrabaho at mas mataas na sahod para sa mga bumbero sa buong bansa.
Binigyang-diin ng grupo ang panganib na kinakaharap ng mga bumbero araw-araw at ang mahalagang papel na ginagampanan nila sa kaligtasan ng publiko.
Ayon kay TRABAHO Partylist spokesperson Atty. Mitchell-David L. Espiritu, kailangang itaas ang sahod at benepisyo ng mga bumbero sa Pilipinas. Aniya, bagaman mahalaga ang kanilang tungkulin sa pagsagip ng buhay at ari-arian, hindi sapat ang kanilang kasalukuyang kita upang mapunan ang pisikal at emosyonal na bigat ng kanilang trabaho.
Sa kasalukuyan, umaabot lamang sa humigit-kumulang PHP 29,000 kada buwan ang sweldo ng isang bumbero—isang halagang itinuturing ni Atty. Espiritu na hindi sapat lalo na sa delikadong kalikasan ng kanilang trabaho.
Dahil dito, isinusulong ng TRABAHO Partylist ang paglalaan ng pondo ng pamahalaan upang itaas ang base pay ng mga bumbero at magbigay ng mas mataas na allowance para sa mga hazard-related duties.
Bukod sa pagtaas ng sahod, isinusulong din ng grupo ang mas malaking pondo para sa firefighting equipment, mas maayos na protective gear, at mas mahigpit na pagpapatupad ng workplace safety standards upang matiyak ang kaligtasan ng mga bumbero habang ginagampanan nila ang kanilang tungkulin.
Ayon kay Atty. Espiritu, kinakailangang tiyakin ng pamahalaan na may sapat na suporta ang mga bumbero upang mapangalagaan hindi lamang ang kanilang kaligtasan kundi pati na rin ang kapakanan ng mga mamamayang kanilang pinaglilingkuran.