Advertisers
ISANG 69-anyos na lalaking pasahero ang inaresto sa NAIA Terminal 1 matapos mahulihan ng bala at magazine ng baril sa kanyang bagahe, paglabag sa RA 10591 kaugnay ng COMELEC Gun Ban.
Ayon sa PNP Aviation Security Group at Office for Transportation Security, nadiskubre ng isang X-ray operator ang mga kontrabandong nakasilid sa itim na trolley bag ng pasaherong patungong Shanghai, China. Sa isinagawang manual inspection, kinumpirma ang presensya ng .45 caliber magazine na may pitong bala.
Dahil sa kabiguang magpakita ng COMELEC Gun Ban Exemption, agad na inaresto ang pasahero at dinala sa NAIA Police Station 1 para sa dokumentasyon at pagsasampa ng kaso.
Samantala, tiniyak ni PNP AVSEGROUP Director PBGen Christopher Abecia na patuloy nilang paiigtingin ang seguridad sa mga paliparan ngayong panahon ng halalan upang mapanatili ang kaligtasan ng publiko. (JOJO SADIWA)