Advertisers
IBINUNYAG ni Senador Alan Peter Cayetano na nag-uumpisa na ang pagsusukat nila ng impeachment robe bilang senator-judges para sa preparasyon ng impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte.
Sa panayam, sinabi ni Cayetano ang ilan sa mga unti-unti nilang paghahanda para sa impeachment trial.
“I just got surprised, they found out I have a hearing now, so they’re asking kung puwedeng mag-fit ng robe so I have to go up for a few minutes, so we can start the hearing,” pahayag ni Cayetano.
Inihayag din ni Cayetano ang ilan sa mga paghahanda ng kanyang tanggapan sa impeachment trial, kabilang ang pagbili ng mga bagong law books.
Kinumpirma naman ni Senate Secretary Renato Bantug, Jr. ang pagsusukat, at sinabing nagsimula ang koordinasyon sa mga senador para iiskedyul ang fitting mga dalawang linggo na ang nakararaan.
Magiging maroon at kapareho aniya ng disenyo ang mga robe na ginamit noong impeachment trial ni dating Supreme Court Chief Justice Renato Corona.
Matatandaang nauna nang igiit ni Senate President Chiz Escudero na nakatakda nilang simulan ang impeachment kay VP Sara, pagkatapos ng State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa Hulyo 28.
Ang impeachment trial ay magsisimula sa Hulyo 30, o apat na buwan mula ngayon. (Mylene Alfonso)