Advertisers
MATINGKAD ang panawagan sa political campaign ngayong tag-init. Itakwil ang mga kampon ng China sa balota. Huwag ihahalal dahil itataguyod nila ang interes ng China na naglalaway na angkinin ang ilang bahagi ng ating teritoryo. Hindi interes ng Filipinas ang nasa isip at gawa. Ibebenta nila tayo sa China.
Negative campaign ang nauusong estratehiya at tema sa kasalukuyang kampanya. Nag-umpisa na ang kampanya ng mga kandidatong tumatakbo sa mga posisyon sa LGUs. Kailangan makilala ang mga kandidato na pro-China. Sino sila at bakit sila naging kampon ng China sa bansa? Ano ang batayan kung paano sila naging kampon ng Peking?
Ayon sa negative campaign ng tiket ng administrasyon, maituturing ang kanilang 12 kandidato sa Senado na Team Filipinas at Teak China ang tiket ng Inferior Davao. Wala kaming reklamo sa turing sa team ni Gongdi. Aminadong maka-China ang Inferior Davao team sa aming pakiwari at maka-China sila mula kay Gongdi hanggang kay Bato dela Rosa at Bong Go. Sila ang itinuturing na taksil sa bayan at ibebenta nila ang bansa ng walang pakundangan.
Pero mayroon rin maka-China sa tiket ng administrasyon. Siya si Francis Tolentino na sumikat sa paglipat ng lapian tuwing halalan. Kilala siyang super balimbing sa laban. Hindi siya nalayo kay Tarzan kung magpalipat-lipat ng baging. Mula Liberal tumalon siya sa lapian ni Gongdi at hinimod siya sa puwet si Gongdi. Nang palubog na si Gongdi, lumipat siya sa alyansa ni BBM pero hindi nawala ang kontak niya kay Gongdi.
Manmanan natin ang ating sitwasyon sa pulitika. Pipilitin ng China na impluwensiyahan ang pulitika ng bansa. Pipilitin nila na maluklok ang kanila mga kampon sa panguluhan. Hindi mangingiming ibenta ng mga maka-China ang bansa dahil sa kanilang ambisyon. Tatalakayin naming ang isyung ito ng mas malalim sa ibang araw at takdang panahon.
***
MARAMING pangyayari na kakatwa, katuwa-tuwa, di nakatutuwa, or kakaiba sa nangyaring pag-aresto kay Gongdi noong Martes. Isa itong bagay na hindi sukat akalain dahil kilala si Gongdi sa pagiging matikas at maangas sa publiko. Ngunit noong inaresto siya sa sandaling lumapag ang eroplanong galing Hong Kong kung saan humarap siya sa mga OFW doon, masahol pa sa maamong kuting si Gongdi.
Mukhang batid niya na darating sa puntong sisingilin siya sa mga kalabisan na ginawa niya noong siya ang nasa poder. Nawala ang taray ni Gongdi kahit lumaban ang mga abogado na nakapaligid sa kanya. Sa huli, bumigay si Gongdi at pumayag sumakay sa eroplano na nagdala sa kanya sa sa ICC headquarter sa The Hague. Nakakatuwa ito dahil nagkakaroon ng katuparan ang paghingi sa hustisya sa madugo pero bigong digmaan kontra droga ni Gongdi.
Kakatwa ang mga sumunod na pangyayari kaugnay sa pagdakip kay Gongdi. Nakakagulat na humihingi ang kanyang pamilya at supporter ng pangingibabaw ng batas (rule of law) at tamang proseso (due process) sa proseso ng International Criminal Court (ICC). Isa itong bagay na hindi ibinigay ni Gongdi sa libo-libong biktima ng kanyang war on drugs. Ipinagkait ni Gongdi ang rule of law at due process. Basta lang pinatay ang mga biktima.
Katawa-tawa ang petisyon ng pamilya ni Gongdi na obligahin ang gobyerno ni BBM na hingin sa ICC na iuwi si Gongdi. Sa Filipinas. Hindi ito mangyayari dahil hawak na ng ICC si Gongdi. Nagsalita na si dating mahistrado Tony Carpio na nagsabing hindi maaaring obligahin ng Korte Suprema ang ICC na ibalik si Gongdi sa Filipinas. Walang poder ang Korte Suprema na gawin iyon. Hindi rin puede obligahin ang ICC ng gobyerno na ibalik si Gongdi dahil hindi na kasaping bansa ng ICC ang Filipinas. Kakaiba ang nangyari dahil si Gongdi nag nag-umpisa ng pagtiwalag ng Filipinas sa ICC noong 2019.
Karma ang nangyari kay Gongdi , ani Christian Esguerra, host ng programang “Facts First.” Samantala, hindi tamang gawing martir si Gongdi. Si Ninoy Aquino ang tunay na bayani. Si Gongdi ay mamamatay tao ng mga mahihirap at walang kalaban-laban. Ganyan kasimple ang usapan at hindi martir ang mamamatay tao.
***
MGA PILING SALITA: “DDS demand DUE PROCESS. EJK victims got DEAD PROCESS.” – Rachel Lozada, netizen