Advertisers
Naglabas ng pahayag ang Bulacan provincial government kaugnay sa kasong graft and corruption laban kina Gov. Daniel, Vice Gov. Alex Castro, provincial administrator Antonette Constantino, sangguniang panlalawigan secretary Perpetua Santos, Mel Dimaano, at Fe Alvarez publisher ng “The Central Chronicle” dahil umano sa ilegal na koleksyon ng buwis dahil sa hindi ito nakatupad sa isinasaad ng batas sa tamang publication na isinampa ng mamamahayag na si Orlan Mauricio .
Nilinaw ni Fernando na wala pa silang natatanggap na kopya mula sa tanggapan ng Ombudsman hinggil sa nasabing reklamo ngunit nais lamang niyang tumugon sa mga naging pahayag ni Mauricio sa media.
Ayon kay Fernando, walang basehan ang mga akusasyong ipinupukol laban sa kanila na ang motibo umano ay pawang paninira lamang at pansariling interes lamang ni Mauricio.
Paliwanag ng gobernador ang Kautusang Panlalawigan Blg. 101-2023 na “Isang Kautusang Pinagtitibay ang Pagbabago ng Schedule of Fair Market Values para sa Pangkalahatang Pagbabago ng Pagtataya sa mga Ari-ariang di Natitinag (General Revision of Real Property Assesment)” na ipinasa noong 2023 at ipinatupad noong 2024 ay maliwanag na ipinag-uutos sa Local Government Code na obligadong isagawa kada tatlong taon.
Binigyang diin ni Fernando na ang ordinansang ito ay mananatiling may bisa at hindi mapipigilan ni Mauricio maliban kung may hukuman na magdedeklara na ito ay labag sa batas.
Ginarantiyahan ni Fernando ang publiko na ang kanyang administrasyon ay patuloy na susunod sa batas para isulong ang kapakanan at protektahan ang interes ng mga Bulakenyo.
Binatikos din ni Fernando ang panlalait sa kanya ni Maurico sa harapan ng media gaya ng pagpaparatang na siya ay “tanga” at sa halip ay si Maurico nga aniya ang may kamangmangan pagdating sa pamamahayag maging sa batas.
Kasunod nito ay pinapaubaya na ni Fernando sa korte ang kahihinatnan ng kasong cyberlibel na kanyang isinampa laban kay Mauricio noong 2023 dahil sa mga nauna nang mapanirang akusasyon nito laban sa kaniya.
”Gayundin, para maunawaan ni Mauricio ang ordinansan na nabanggit ay mananatiling may bisa maliban kung ideklara ng mga korte ang kabaligtaran nito”. – paglilinaw ng gobernador
Subaybayan natin!
***
Kung may tanong, suhestiyon o komento ’wag mag-atubiling tumawag o mag-text sa numerong 0939-7177977 at 0936-8625001 o di kaya mag-email banderapilipino@yahoo.com/balyador69@gmail.com.